Fixer sa proseso ng pag-isyu ng prangkisa, bawal!
- BULGAR

- Feb 9, 2019
- 2 min read
HELLO mga bes! Marami sa mga kababayan natin ang pumapasok ngayon sa pagnenegosyo dahil na rin sa kakapusan ng mapapasukang trabaho. Ang iba ay nangungutang o nagsasanla ng konting ari-arian para lamang makapagnegosyo.
Madalas, ang naiisip nila ay bumili ng kotse, jeep, van o motorsiklo para ipasada. Sabi nila, hindi lang pampasada, pampamilya pa. Para maging legal, kailangan nilang kumuha ng prangkisa mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang problema, mukhang may nangyayaring anomalya sa pagkuha ng prangkisa. Hindi pa man nagsisimula sa kanilang negosyo, mukhang lugi na sila dahil ilan sa kanila ay napipilitang maglabas ng napakalaking halaga na umaabot daw ng P250, 000. Nalaman natin ito sa pagdinig ng komiteng ating pinamumunuan.
Nais nating ipaalala mga bes, walang bayad ang pagkuha ng prangkisa, ayon na rin sa chairman ng LTFRB. Tanging babayaran lang daw ay ang tinatawag na administrative cost na may kasamang resibo.
Nilinaw din ng LTFRB na hindi ibinebenta ang prangkisa. Ito ay prebilehiyong ibinibigay ng gobyerno sa mga karapat-dapat na pagbigyan nito. Wala rin daw pinapayagan ang ahensiya na tagalabas o fixer na magpadrino sa proseso ng pag-iisyu ng prangkisa.
Nangako rin ang LTFRB na agad nilang iimbestigahan ang nasabing isyu at parurusahan ang mga sangkot, lalo na kung ang mga ito ay empleyado o opisyal ng ahensiya.
Kaya muli, paalala mga bes, walang bayad ang prangkisa. Kung may mga taong lalapit sa atin at sasabihing magbigay tayo ng ganitong halaga para makakuha ng prangkisa, isumbong agad sa awtoridad nang sa gayun ay wala silang maloko.
Ito rin ang ating ipinaalala sa ating mga kasimanwa sa Iloilo at Antique nang tayo ay mainterbyu sa radyo roon matapos tayong dumalo sa misa sa katedral ng Jaro noong nakaraang Sabado, Pebrero 2, sa kapistahan ng Nuestra Señora de la Candelaria.
Sobra ang ating kasiyahan kapag tayo ay nakababalik ng Iloilo, partikular sa Jaro kung saan tayo natagpuan noong sanggol pa lamang. Inalagaan tayo ng mga kasimanwa natin bago napunta ng Bacolod at Maynila, sa mapagpalang mga kamay ng ating mga magulang na sina Susan Roces at Fernando Poe, Jr.
Ginagawa natin ito taun-taon o kapag may pagkakataon bilang paglingon sa pinanggalingan at pagtanaw ng utang na loob sa ating mga kasimanwa. Ginamit din natin ang pagkakataong ito para makapaglibot sa Iloilo para personal silang pasalamatan at ipaalam ang ilang batas na ating itinulak tulad ng libreng pananghalian para sa mga bata sa pampublikong paaralan at iba pa.
Hanggang sa susunod nating kuwentuhan at balitaan, mga bes, mag-enjoy tayo ngayong weekend kasama ang ating pamilya.





Comments