Tiniyak ng gobyerno | 3RD TELCO ‘PAG PALPAK, PALITAN

MATAPOS aprubahan ng Senado ang paglipat ng pagmamay-ari ng Mislatel tungo sa consortium ni Dennis Uy at ng China Telecom sa gitna ng mga problema sa prangkisa, inihayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanyang suporta para sa pagpapatuloy ng ikatlong telco player.
Aniya, mas mahalaga ang kakayahan ng Mislatel para mapabuti ang serbisyo sa telco kaysa sa mga problemang teknikal o legal nito.
Nanawagan din ito sa mga mambabatas na itigil na ang politika.
Mula noong itinatag ito bilang ipinanukalang ikatlong telco player noong 2018, maraming ibinunyag na isyu tungkol sa prangkisa nito.
Sa Senate hearing noong Enero, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala nang bisa ang prangkisa ng Mislatel sapagkat hindi ito pinatakbo sa loob ng isang taon matapos ipinagkaloob ang prangkisa.
Pinuna rin ang Mislatel dahil hindi nito nakuha ang permiso ng Kongreso noong nagpalit ito ng controlling stake.
Sa kabila nito, ipinasa pa rin ng Senado noong Miyerkules ang House Concurrent Resolution No. 23 na sumasang-ayon na sa pagpapalit ng controlling stake sa nasabing consortium.
Dahil dito, maaari nang magsimula ang operasyon ng Mislatel.
Gayunman, kung hindi matupad ng Mislatel ang pangako nitong higit na mapabilis ang internet o data connection sa bansa, kailangang palitan ito.
Ayon sa Senado, ang bagong prangkisa ng Mislatel ay mawawalan din ng bisa sa 2023 at hindi ito awtomatikong aaprubahang muli.





Comments