Pagbabawal sa provincial buses sa EDSA, tuluy na tuloy na!
- BULGAR

- Feb 8, 2019
- 2 min read
“BAND aid solution”, ganito nakikita ng ilang mamamayan ang tuluyang pagbabawal ng provincial buses sa kahabaan ng EDSA na magsisimula sa Abril ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Matatandaang, noong nakaraang taon pa dapat sinimulan ang nasabing provincial bus banned, ngunit, na-delayed ito.
Gayunman, ayon sa MMDA, gagawin nila ang hakbang na ito upang mapaluwag ang trapiko, ‘yun nga lang, base sa mga komento ng mga pasahero, marami sa kanila ang nagpahayag ng kani-kanyang reklamo, may ilan na nagsasabing ang dapat pagbawalan ay ‘yung sisiga-sigang city buses na karamihan umano ay hindi sumusunod sa batas-trapiko, gayundin ang mga private vehicle kung saan ito umano ang nagpapasikip sa daloy ng trapiko dahil may ilang indibidwal na kahit mag-isa lang naman ay gumagamit pa ng sasakyan.
Samantala, lahat ng ito ay may patotoo, ngunit, noong nakaraang taon din ay isinulong ang pagbabawal sa “driver only vehicles” sa EDSA, pero marami pa rin sa atin ang nagreklamo.
Kaya naman ang panawagan natin sa mga pasahero, bago magreklamo, tingnan muna kung may pagbabago.
Naiintindihan nating mahirap mag-adjust, hassle at dagdag-pasahe na naman ito, pero kung may mabuti namang epekto, bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon?
Siguro naman, noong nakaraang taon ay napag-aralan na nila ito nang mabuti.
Kaya simula Abril, ang mga pasahero na galing sa norte ay kailangan nang bumaba sa integrated bus terminal na binubuo sa Valenzuela City kung saan dito sila sasakay ng bus patungo sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ang mga manggagaling naman sa timog na bahagi ay bababa sa integrated terminal sa Sta. Rosa, Laguna kung saan sila lilipat sa city buses.
Hangad natin ang maluwag at maayos na daloy ng trapiko hindi lamang dito sa Metro Manila kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments