Kung gaano katagal bago makapag-apply ng reinstatement ng lisensiya
- BULGAR

- Feb 8, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Ako ay registered veterinarian ngunit, na-revoked ang lisensiya ko. Nais kong malaman kung gaano katagal bago ako maaaring makapag-apply ng reinstatement ng lisensiya ko? — Horace
Dear Horace,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 26 ng Republic Act (R.A.) No. 9268 na mas kilala bilang “The Philippine Veterinary Medicine Act of 2004” kung saan nakasaad:
"SEC. 26. Reinstatement. - Subject to the approval of the Commission, a person may apply to the Board for reinstatement of his/her Certificate of Registration/professional license any time after the expiration of one (1) year from the date of revocation of said certificate. The application shall be [in] writing and shall conform [to] the requirements provided by the Board. No certificate shall be reinstated unless the Board is satisfied that a good cause exists to warrant such reinstatement.” (Binigyang-diin)
Ibig sabihin, alinsunod sa pag-apruba ng Professional Regulations Commission (PRC), maaari kayong mag-apply para sa reinstatement ng revoked certificate of registration sa Professional Regulatory Board of Veterinary Medicine matapos ang isang (1) taon mula sa petsa ng pagka-revoked ng nasabing certificate. Ang nasabing aplikasyon ay nararapat na nakapaloob sa kasulatan at sang-ayon sa mga alituntunin ng Professional Regulatory Board of Veterinary Medicine. Hindi maaaring ma-reinstate ang certificate nang hindi nakukumbinse ang Professional Regulatory Board of Veterinary Medicine na mayroong magandang dahilan upang ihayag ang nasabing reinstatement.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments