TOPS, KIKILATISIN ANG TATAG NG D-LEAGUE

MAKILATIS ang katatagan ng mga koponan sa PBA D-League sa pagbisita ni PBA Commissioner Willie Marcial at team coaches sa “Usapang Sports” ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayong Huwebes Peb. 7 sa National Press Club sa Intramuros.
Magbibigay ng kanilang pananaw at programa ang mga opisyal ng 20 koponan, habang maglalahad ng kanyang obserbasyon sa kahandaan ng liga na magbubukas sa Araw ng mga Puso sa Peb. 14 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dadalo rin sa programa na nakatakda ganap na 10:00 a.m. si PBA Deputy Director Eric Castro. Kasama rin ang mga coach na sina Bonnie Tan (Petron-Letran), Frankie Lim (Perpetual Help), Rensy Bajar (Diliman College-Gerry’s Grill), Yong Garcia (Marinerong Pilipino), Jino Manansala (St. Clare-Virtual Reality), Mark Herrera (AMA University) at Alvin Grey (Trinity University-The Masterpiece) at Jude Roque (San Beda).
Ang TOPS ‘Usapang Sports’ ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman William “Butch” Ramirez at National Press Club (NPC), sa pangangasiwa ni Rolando “Lakay” Gonzalo at Kamuning Bakery.
Ang media sports organization ay binubuo ng mga lehitimong editors, reporters, columnists at photographers ng mga pangunahing tabloid na pahayagan sa bansa, kaakibat ang PTV-4 at ilang broadsheet newspapers.





Comments