top of page
Pokwang.jpg

LORENO, MOST BEMEDALLED ATHLETE, AMOGUIS AT VALDEZ SIBLINGS, GOLD DIN

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 7, 2019
2 min read

PERPEKTONG pinalaso ni John Carlo Margarito Loreno ng Koronadal City ang kabuuang 5 gintong medalya upang tanghaling “Most Bemedalled Athlete” sa pagpapatu­loy ng ginaganap na 2019 Batang Pinoy Mindanao Qualifying Leg sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex kahapon.

Magkakasunod na pinalaso ng 15-anyos at Grade 9 sa Koronadal Comprehensive National High School ang gold medal sa distansiyang 30m, 40m, 50m, 60m at Single Fita ng Boys Cub category upang maitala ang perpektong pagpapa­tama ng mga palaso para sa 15-anyos pababa.

Samantala, magkatuwang maging sa paglangoy ang ipinamalas ng magkapatid na sina Lorh Micah at Liaa Margarette Amoguis ng Davao City, matapos na kapwa mag-uwi ng ginto buhat sa sa kani-kanilang magkahiwalay na events sa swimming kahapon sa 3rd day ng 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg na ginaganap sa Davao del Norte Sports Complex.

Nakuha ng 13-anyos na si Lorah ang ginto buhat sa Girls 13-15 200m IM sa kanyang 2:35.06 orasan habang si Liaa ay nagreyna sa Girls 11 200m IM sa oras na 2:39.06.

Ayon sa magkapatid, hindi nila alintana kung sino sa kanila ang magwawagi, basta nakasuporta sila sa bawat isa. “We support each other in competition and in training,” pahayag ng nakatatandang Amoguis. “We motivate each other, to perform better everytime we compete,” dagdag pa ng panganay na si Lorah.

Hindi na bago ang panalo sa magkapatid na Amoguis gayung nagpakitang gilas din ang dalawa sa nakaraang edisyon ng Davao Regional Athletics Association (DAVRAA) nitong nakaraang buwan kung saan nakakuha ng anim na ginto si Liaa at apat naman si Lorah.

Sa boys, 13-15 -200m IM, naghari si John Alexander Michael Talosig ng North Cotabato sa naitalang 2:19.74 sa orasan, habang silver ang kay Eryk John Omandam ng Davao del Norte sa 2:24.69 kasunod si Albren Jan Dayapdapan ng Dipolog City sa 2:25 78 orasan.

Sa Arnis, nagpamalas ng galing ang magkapatid na sina Princess Sheryl at Shena May Valdez ng Tacurong City na may tig-dalawang ginto at posibleng maragdagan pa.

Nakuha ni Princess ang gold sa girls individual weapon at isa sa individual 2 weapons, habang si Shena May ay ginto sa junior team open weapon event at sa cadet team open weapon. Ang 12-anyos na si Princess ang tinaguriang most bemedalled athlete noong 2018 Mindaneo leg ng Batang Pinoy sa Oroquieta City at nakaapat na ginto sa 2018 Palarong Pambansa sa Vigan.

Sa sepak takraw girls regu, naka-gold ang General Santos City, habang silver ang Davao City at bronze ang South Cotabato habang wagi sa boys Regu ang mga koponan ng Pagadian City, silver ang General Santos City at bronze ang Davao del Norte. (ATD/MC)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page