Gustong malaman ang kasong maaaring isampa sa ex-boyfriend niyang sumira sa kanyang sasakyan

Dear Chief Acosta,
Sinira ng ex-boyfriend ko ang sasakyan ko nang magdesisyon akong makipaghiwalay sa kanya. Nais kong malaman kung maaari ko ba siyang sampahan ng kaso kahit isang (1) taon na ang nakalilipas? — Jenny
Dear Jenny,
Ang paninira sa gamit ng babae ng kanyang kasalukuyan o dating asawa, kasintahan o karelasyon ay pinarurusahan sa ilalim ng Section 5 (h)(4) ng Republic Act (R.A.) No. 9262 o mas kilala bilang “Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004” kung saan nakasaad na:
“SECTION 5. Acts of Violence Against Women and Their Children. - The crime of violence against women and their children is committed through any of the following acts.
x x x
(h) Engaging in purposeful, knowing, or reckless conduct, personally or through another that alarms or causes substantial emotional or psychological distress to the woman or her child. This shall include, but not be limited to, the following acts:
x x x
(4) Destroying the property and personal belongings or inflicting harm to animals or pets of the woman or her child;”
Ang inyong katanungan ay partikular na tinatalakay sa Section 24 ng R.A. No. 9262 kung saan nakasaad na:
“SECTION 24. Prescriptive Period. – Acts falling under Sections 5(a) to 5(f) shall prescribe in twenty (20) years. Acts falling under Sections 5(g) to 5(I) shall prescribe in ten (10) years.” [Sinalungguhitan para bigyang-diin.]
Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, binibigyan ng hanggang sampung taon ang babae upang magsampa ng kaso laban sa kanyang kasalukuyan o dating asawa, kasintahan o karelasyon kaugnay sa paninira ng gamit na ginawa nito.
Kaugnay nito dahil hindi pa nakalalampas ang sampung taon ay maaari pa rin kayong magsampa ng kaso laban sa inyong ex-boyfriend.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments