top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Tatanga-tanga sa isyu ng drug war, Pederalismo, TRAIN Law, Dengvaxia etc. | 3 PCOO officials, palpak

  • RJ Nieto
  • Feb 6, 2019
  • 3 min read

RJ NIETO / THINKING PINOY

PANGULONG Rodrigo Duterte, alam nating nahihirapan kayo sa pagpasan ng problema ng bansa pero, kailangang isumbong sa’yo ang inyong communication team, ang Presidential Communications Operations Office.

Ang PCOO, lalung-lalo na sina Undersecretary for New Media Lorraine Badoy, Philippine Information Agency Harold Clavite at ang bossing nilang si Secretary Martin Andanar ay pawang mga tatanga-tanga.

Inumpisahan ang drug war noong 2016 at marami agad ang namatay, pero gets ba ng tao na posibleng inililigpit ng mga sindikato ang sarili nilang tao para walang makatestigo? Gets din ba ng tao na ‘yung mga iskalawag na pulis ay kinakasuhan, sinususpinde at sinisibak ninyo?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Sumisigaw tayo ng Pederalismo, 2015 pa lang, pero alam ba ng masa kung anu-ano ang magbabago sa pamahalaan kung mangyari ito, gayundin, ang magiging papel nila habang nagpapalit ng sistema ang gobyerno?

Lumabas ang TRAIN Law, pero naipaliwanag ba sa masa ang bagong sistema ng buwis, ang kakarampot nitong epekto sa presyo ng mga bilihin at gaano ang pagbaba ng bayaring buwis sa kita?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Magkakaroon ng tax amnesty dahil gusto nating makibahagi ang lahat ng Pilipino sa pag-unlad ng bansa, pero alam ba ng masa kung ano ang tax amnesty?

Naipaliwanag ba na puwede tayong legal na makipag-areglo sa BIR ng mga buwis at amilyar na taunan nating hindi nababayaran?

Nakipagbati tayo sa China, pero alam ba ng masa na hindi tayo nakikipag-away sa Estados Unidos dulot nito?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Maraming magagandang nangyayari sa “Build, Build, Build Program”, pero alam ba ng karamihan ang mga ipinagagawang imprastruktura at kung kailan matatapos ang mga ito?

Alam ba ng taumbayan kung alin sa mga ito ang makapagbabago ng pang-araw-araw nating buhay?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Sabi ninyo, dapat protektahan ang mga bata, pero matapos pumutok ang Dengvaxia scandal, naipaliwanag ba ng PCOO na kahit sablay ang Dengvaxia, ligtas ang karamihan ng bakunang ibinibigay ng pamahalaan?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Gusto ninyo kamo ng Bangsamoro Organic Law, pero gets ba ng masa ang esksaktong mangyayari sa Mindanao kung maipasa ang BOL, kung paano nito mababago ang buhay natin?

Nagbotohan ang mga taga-Mindanao tungkol dito, pero gets ba nila kung ano ang kanilang pinagpapasyahan?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Kumalat sa Facebook kamakailan ang litrato ng sangkaterbang lumalangoy sa Manila Bay. Oo, malinis na ang pampang, pero napakarumi pa rin ng tubig nito. Nagbigay ba sila ng babala kahit sa Facebook man lang?

Hindi. Tatanga-tanga kasi ‘yung tatlo!

Tatlong taon na sila r’yan, pero wala pang achievement ang tatlo na tumatak sa kamalayan ng masa, habang nilalamon sila ng buo ng mga maka-oposisyong media na walang patid kung bumanat sa gobyerno.

Pangulo, alam nating ilang dekada kayong naging mayor at napakagaling ninyo. Pero alam natin madalas, walang pakialam ang mayor sa communications team dahil ang mayor mismo ang kumakausap sa taumbayan at kitang-kita nating kahit pangulo na kayo, ganyang-ganyan din ang istratehiya ninyo.

So far, sobrang bilib pa rin sa inyo ang taumbayan at kasama na tayo r’yan, pero aminin natin, sir, hindi natin magagawang mag-isa ang lahat ng kailangang information campaign ng pamahalaan.

Eh, sa kasamaang-palad, puro tatanga-tanga ang mga nai-appoint ninyo sa key positions sa PCOO. Sir, sirang-sira na tayo sa Western media at ang malaking dahilan ay dahil hindi alam gawin ng tatlong ito ang trabaho nila.

Sa opisina ni Sen. Kiko Pangilinan nagkaisip si Harold Clavite, ang may hawak ng PIA. Paano ninyo maaasahang maipaglalaban kayo niyan?

Si Lorraine Badoy naman, walang ginawa kundi mag-selfie at mag-inarte sa Malacañang imbes na ayusin ang social media ninyo. Nakakatawang galit na galit ‘yan sa mga Marcos, samantalang, ang asta niya sa Malacañang, eh, parang pangarap niyang maging “Imelda”.

At si Martin Andanar, nakanganga lang habang pinapanood ang katangahan ng dalawa. Mr. President, nakanganga lang si Andanar, hindi lang habang tatanga-tanga sina Clavite at Badoy kundi habang tinitira ng dalawa ang mismong mga tagasuporta ninyo.

Mahalaga ang mga ginagawa ninyong pagbabago sa bansa, pero mahalaga rin na malaman ng masa kung anu-ano ang mga ito.

Pangulo, sibakin na ninyo ang tatlong bugok na ‘yan.

Huwag ninyong hayaang sirain nila ang magiging alaala ninyo sa sambayanang Pilipino.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page