top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Sec. Locsin at Sec. Lorenzana, todo-protesta para ipaglaban ang Kagitingan Reef laban sa China

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 6, 2019
2 min read

UNA, si DFA Secretary Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin, Jr. tapos sumunod naman si Defense Sec. Delfin Lorenzana. Ayon sa kanila, dapat lang magprotesta ang Pilipinas sa itinayong maritime rescue center ng China sa Kagitingan Reef (Fiery Cross Reef). Ang dahilan ay para hindi mamihasa sa pagtatayo ng anumang imprastruktura sa mga pinagtatalunang isla. Kapag mangyari ‘yan, parang sumang-ayon na rin ang Pilipinas na sa kanila ang isla. Taliwas ito sa pahayag ng Palasyo na dapat magpasalamat pa ang bansa na may rescue center doon. Kapag walang ginawang protesta ang Pilipinas ay parang sumasang-ayon na rin ito sa soberanya sa lugar.

Ang gusto raw gawin ni Sec. Locsin ay sa UN General Assembly magprotesta, siguro para marinig ng lahat ng miyembro na bansa. Ano naman kaya ang sasabihin ng Palasyo kung ganito ang gustong gawin ni Sec. Locsin, na sinasang-ayunan din ni Sec. Lorenzana? Dalawang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nais ipaalam sa China na hindi puwede ang kanilang ginagawa sa Spratlys Island. Wala tayong maririnig na ganyang salita mula sa ibang miyembro ng gabinete at kahit kay P-Duterte mismo. Pasalamat lang daw ang dapat gawin. Gusto nating makitang magprotesta si Sec. Locsin sa susunod na UN General Assembly.

◘◘◘

Ayon sa DOH, bumagsak sa 40 porsiyento ang nagpabakuna noong 2018, kumpara sa 70 porsiyento noong mga nakaraang taon. Alam natin ang matinding kampanya laban sa Dengvaxia kung saan patung-patong na demanda ang isinampa sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH, kaugnay sa paniniwala na ang Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng ilang bata.

Hanggang ngayon, walang itinatag o opisyal na ebidensiya na Dengvaxia ang tunay na sanhi ng pagkamatay ninuman sa buong mundo. Marami sa pamilya ng mga nabakunahan ng Dengvaxia ang naniniwalang ang “palpak na bakuna” umano ang dahilan nang pagkamatay ng mga kaawa-awang bata. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin napatutunayan na ito ay nakamamatay dahil maging sa ibang bansa na gumagamit din ng Dengvaxia ay wala namang matinding kampanya kontra sa bakuna tulad sa nagaganap sa Pilipinas. Hindi natin sinasabing walang pananagutan ang Sanofi Pasteur sa kanilang huling babala hinggil sa kung sino lamang ang dapat mabakunahan at hindi. Ang sa atin lang, hindi na lang sana pinalaki at pinolitika ang isyu kung saan naging dahilan pa kaya natakot nang husto ang publiko na magpabakuna.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page