Pagsasapubliko ng SALN, dapat lang!
- BULGAR

- Feb 6, 2019
- 2 min read
HELLO mga bes! Kumusta kayong lahat. Siguro medyo na-refresh kayo matapos ang isang araw na pahinga dahil sa selebrasyon ng Chinese New Year.
Pero marami sa atin ang napasimangot at uminit ang ulo matapos lumabas sa mga balita na inaprubahan sa plenaryo ng Kamara ang resolusyon na naghihigpit sa kanilang panuntunan kaugnay sa pagsasapubliko sa SALN ng mga kongresista.
Ayaw sana nating pag-usapan ito dahil meron tayong tinatawag na inter-parliamentary courtesy. Kaya lang medyo katawa-tawa ang naging hakbang ng ating mga kasama sa Kamara dahil mukhang batas ang ‘treatment’ nila rito na inaprubahan pa sa plenaryo.
Gayunman, mukhang labag sa Konstitusyon ang nasabing hakbang ng ating mga kasama. Isinasaad ng Saligang-Batas sa Article 11, Section 17 na dapat magdeklara ng kanilang SALN ang bawat opisyal at empleyado ng gobyerno.
Isa itong paraan para masuri at makita ng publiko ang katapatan sa pagseserbisyo ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno. Isa rin itong paraan para hindi matukso ang mga kawani ng gobyerno na magpayaman sa maling paraan.
Siguro naman, walang dapat ikatakot ang mga nagtatrabaho sa gobyerno na ipakita ang kanilang SALN kung wala silang itinatagong multo. Hindi naman kasalanan ang maging mayaman kung ito ay galing sa legal na paraan.
Tiniyak ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na walang hakbang ang Senado na higpitan ang kanilang panuntunan sa pagkuha ng kopya ng SALN ng mga senador.
May kasabihan nga tayong mga Pilipino na ang ‘pagsasama ng tapat ay pagsasama ng maluwat.’
Maiba naman tayo mga bes. Gusto lang nating ibalita sa inyo na pagbobotohan natin ngayong araw ang panukala na naglilipat sa pagmamay-ari ng Mislatel sa grupo ng negosyanteng si Dennis Uy ng Davao.
Gagawin natin ito para matiyak na tama ang pagbibigay ng prangkisa at karapat-dapat ang pinagbigyan nito na maging bagong kalahok sa industriya ng telco. Dapat maayos ito dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng industriya ng komunikasyon at higit sa lahat, ang seguridad ng ating bansa.
Titiyakin nating bibilis ang internet at gaganda ang serbisyo tulad ng hangad ng ating mga kababayan.





Comments