Kahalagahan ng Payment Reference Number ng bawat miyembro ng SSS

SA pagpapatupad ng Social Security System (SSS) ng Real time Processing of Contributions (RTPC), kinakailangan ang paggamit ng Payment Reference Number (PRN) para sa agarang pagtala ng kontribusyon sa rekord ng miyembro.
Ang PRN ay unique set ng numero na nagtataglay ng mahahalagang impormasyon tulad ng SSS number ng miyembro, buwan o mga buwan na babayaran, halaga ng babayaran kada buwan at kabuuang halagang dapat bayaran.
Makukuha ang PRN sa pamamagitan ng pagrehistro sa online facility ng SSS na My.SSS sa SSS website.
Ang SSS ay gumagawa ng iba’t ibang paraan upang ang mga miyembro ay makakuha ng PRN, lalo na para sa mga miyembrong wala namang access sa internet. Maliban sa My.SSS, maaari ring makuha ang PRN sa pamamagitan ng text messages o email, SSS mobile application, sa pamamagitan ng PRN inquiry facility ng mga collection partner ng SSS o sa kahit saang sangay ng SSS sa buong bansa.
Kaya hinihikayat ng SSS ang kanilang mga miyembro na naghuhulog bilang self-employed, voluntary, non-working spouses at overseas Filipino worker (OFW) na/ ibigay o i-update ang kanilang contact information sa SSS para sila ay makatanggap ng PRN sa pamamagitan ng text messages.
Una nang inanunsiyo ng SSS na maaari silang tumanggap ng bayad ng walang PRN ngunit, sa kondisyon na kailangan nilang ibigay ang kanilang cellphone number sa SSS para makatatanggap sila ng PRN sa pamamagitan ng text messages para sa susunod na pagbabayad ng kontribusyon.
Ang mga miyembro ay maaaring pumunta sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS upang i-update ang kanilang contact information sa pamamagitan ng pagsagot ng E-4 Member Data Change Request Form o ang Member Information na bahagi ng Payment Slip.
Kung sila ay may access online, maaari silang mag-log in sa kanilang My.SSS account sa homepage ng SSS website. Pindutin ang “My Information” at “update information”, itsek ang kahon na gustong i-update at pindutin ang “next” at “update” at i-save o i-print ang Online Data Change Request form na naka-PDF.
Maaari ring i-update ng mga miyembro ang kanilang contact information sa pamamagitan ng SSS Mobile Application. Mag-log in gamit ang kanilang My.SSS account, pindutin ang “My Information”, pindutin ang “contact details” at piliin ang mobile number at i-submit.
Kapag may PRN, may natatanggap ding text messages ang mga miyembro na naitala na ang kanilang kontribusyon. Dahil sa PRN, agaran ang pagtala ng inyong kontribusyon at maiiwasan din ang anumang antala sa pagkuha ng mga benepisyo dahil ang bilang ng kontribusyon ay isa sa mga basehan sa pagkuha nito.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments