GENSAN JIN, NAKA-3 GOLD SA BATANG PINOY DAVAO


HUMAKOT ng tatlong gintong medalya ang pambato ng General Santos City sa taekwondo sa ikalawang araw ng kompetisyon sa 2019 Batang Pinoy Mindanao Leg na ginaganap sa Davao del Norte Sports Complex dito.
Pinasadahan agad ni National Junior Pool member na si Paul Anthony Rodriguez ng General Santos City, ang pagsungkit ng ikatlong gintong medalya sa taekwondo, kung saan pinagharian niya ang tatlong events, ang junior pair , junior team at individual junior poomsae event kahapon. Hindi inaasahan ng 13-anyos na si Rodriguez ang kanyang pagkopo ng tatlong gintong medalya sa mga nasabing events gayung aniya ay wala siyang pahinga sa kakaensayo. “Surprised po ako kasi talagang naghirap po kami sa training,” ayon sa grade 7 student ng Holy Trinity College ng General Santos City. “Six times a week po kung mag ensayo kami,” aniya.
Gayunman ay hindi naman bago kay Rodriguez ang makakuha ng ginto sa taekwondo dahil noong nakaraang 2018 Batang Pinoy National Finals na ginanap sa Baguio ay nakadalawang ginto siya, pati na sa 2018 Mindanao leg sa Oroquieta City.
Naging inspirasyon ni Rodriguez ang kanyang mga kapatid na pawang taekwondo jins at plano niyang ipagpatuloy ang kanyang paglalaro ng nasabing sport upang makadayo sa ibang bansa. “Pangarap ko po na makapaglaro sa ibang bansa balang araw, at maging kinatawan ng bansa natin,” dagdag pa ng pambato ng GenSan. (ATD/MC)





Comments