PINOY FIDE MASTER VILLANUEVA KAMPEON SA PERAI RAPID CHESS

MULING naghasik ng lagim si FIDE Master Nelson Villanueva ng Pilipinas matapos nitong walisin ang oposisyon para makuha ang korona ng Seberang Perai Tengah Rapid Chess Tournament sa Penang, Malaysia. Tinapos nito ang torneo sa iskor na 7 puntos sa tulong ng anim na panalo at dalawang tabla katulad din ng produksyon ni Malaysian Boon Khai Tan. Nang lapatan ng unang tiebreak, tabla pa rin ang dalawa (0.5-0.5). Sa pangalawang tiebreak, nakaungos na ang Pinoy, 43.0-42.5, para makasampa sa trono.
Ito na ang pangalawang korona ni Villanueva sa rapid chess sa Malaysia. Nakuha ni Ze Shan Tin ng Malaysia ang huling upuan sa podium dahil sa naisumiteng 6.5 puntos.Samantala, napanatili ni Pinoy Grandmaster Wesley So ang pang-anim na puwesto sa listahan ng mga pinakamalulupit na rapid chessers sa buong mundo.
Ayon sa talaan ng FIDE na ipinalabas ngayong Pebrero, ang 25-anyos na tubong Cavite ay may 2797 na rating. Tanging sina GM Magnus Carlsen (Norway, 2869), GM Hikaru Nakamura (USA, 2845), GM Leinier Dominguez Perez (USA, 2816), GM Shakhriyar Mamedyarov (Azerbaijan, 2810) at GM Maxime Vachier Lagrave (France, 2800) ang nasa unahan ng Pinoy woodpusher. Kasama rin sa top 10 rapid chessers pero nasa likuran ni So sina GM Ian Nepomniachtchi (Russia, 2785), GM Vladislav Artemiev (Russia, 2784), GM Yangyi Yu (China, 2784) at GM Sergey Karjakin (Russia, 2781).





Comments