Panawagan sa mga botante, huwag magpabola sa mga kandidatong mapagsamantala!
- BULGAR

- Feb 5, 2019
- 2 min read
SA ngayon ay malaya ang mga kandidato na ikampanya ang kanilang mga sarili sa kahit anong paraan, ito ay dahil na rin na walang batas na sumusuporta para sila ay pagbawalan.
Nito lamang, kahit hindi pa nagsisimula ang campaign period ay marami ng kandidato ang nagpapa-feature ng kanilang talambuhay sa mga telebisyon kung saan may gumawa pa ng pelikula, nagkaroon ng T.V. guestings at marami pang iba.
Ang tanong, bakit ngayon lang kung kailan malapit na ang eleksiyon? Hmmm…
Gayunman, ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, hindi pa ito maituturing na paglabag sa RA 9006 o Fair Elections Act dahil hindi pa naman nagsisimula ang campaign period, ‘yun lang, lusot na naman! He-he-he!
Samantala, lahat ng tao ay may kani-kanyang pinagdaanan sa buhay, pero hindi ru’n maibabase para masabi nating nararapat na silang maupo sa puwesto o iboto ng mamamayan, mainam pa rin na ang iboboto ng taumbayan ay ‘yung kandidato na mula nu’ng nakilala ng karamihan ay maganda na talaga ang naitulong sa bayan, hindi lang dahil tungkulin nila ito kundi dahil bukas ito sa kanilang puso.
Kasabay nito, alam nating lahat na malaki ang impluwensiya ng media sa mga tao, hindi lamang sa mga kabataan kundi pati na rin sa mga nakatatanda, kaya dapat maging bukas ang ating isip nang sa gayun ay hindi tayo madaling mabola, mauto at mapagsamantalahan.
Gayundin, ang panawagan natin para sa lahat, maging matalino tayo, karapatan nating magkaroon ng sariling desisyon para bumoto at piliin kung sino ang karapat-dapat na kandidato.
Dapat ding magkaroon ng iisang boses ang mamamayan para sa mas maayos at magandang bayan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments