MORRIS AT GREY, BUMIDA SA 3RD WIN SA DUBAI INT’L C’SHIPS

NAITALA ng Mighty Sports ang kanilang pangatlong panalo noong Linggo ng gabi matapos talunin ang Homenetmen, 96-89, sa Dubai International Championship sa Shabab Al Ahli Club.
Gumawa ng tig-24 points sina Randolph Morris at Jeremiah Grey habang umiskor ng 19 points at kumuha ng 13 rebounds si Justin Brownlee upang umakyat ang kartada ng Mighty Sports sa 3-0.
Nanalo ang Mighty Sports kahit pa gumawa ng 42 points ang manlalaro ng Homenetmen na si Walter Hodge. “We are a young team in a sense na we haven’t been together for so long but I like the composure they showed,” wika ni Mighty Sports coach Charles Tiu sa panayam ng SPIN.ph sa Dubai.
Nauna nang naiselyo ng Mighty Sports ang kanilang puwesto sa quarterfinals pagkaraang manalo laban sa United Arab Emirates, 86-78, noong Sabado. Nagbuslo ng apat na free throws si Brownlee upang maiselyo ang panalo matapos dumikit ang Homenetmen sa tatlo, 92-89, mula sa 16 points na kalamangan kontra sa koponan mula sa Lebanon.
Samantala, tatangkain ng Mighty Sports na ma-sweep ang group stage sa kanilang paghaharap kontra Syria sa Martes ng gabi.





Comments