top of page
Pokwang.jpg

Modus ng mga holdaper ngayong Chinese New Year, buking!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 5, 2019
2 min read

NGAYONG araw, Pebrero 5, ipinagdiriwang ang Chinese New Year ng mga kapatid nating Tsino kaya ating pinaaalalahanan ang mga taong nakikisaya sa nasabing okasyon dahil gumagala ang dalawang demonyong kalalakihan na bumabati ng “Kung Hei Fat Choi” ngunit, kapag nalingat ang biktima ay agad nang tututukan ng kutsilyo sabay deklara ng holdap.

Pormal na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang isang maybahay upang ireklamo ang dalawang lalaking suspek na nakapulang t-shirt na bumabati ng Kung Hei Fat Choi (Happy New Year) sa mga nakasasabay nitong mga nakikisaya, nagdiriwang at mga mamimili ng lucky charm sa Binondo, Manila.

Ayon sa sumbong, nang hindi niya pinansin ang dalawang balasubas na suspek ay sige pa rin daw ang sunod sa kanya at pagsapit daw sa hindi mataong lugar ay bigla raw siyang inipit at pinagsalitaan ng “’wag kang mag-iingay kundi patay ka, holdap ‘to.”

Kaya sa nerbiyos ng biktima ay agad hinablot ang sling bag nito at ang hawak na cellphone kung saan matapos ang holdapan ay mabilis pa sa alas-kuwatro na tumakas ang dalawang demonyong ito.

Ito ngayon ang modus-operandi ng mga halang ang bituka na sinasamantala ang kahinaan ng biktima at maging ang nasabing okasyon para makapam­biktima.

Kayo r’yan mga suki, maging alerto kayo sakaling maisipan o magawi kayo sa Chinatown sa Binondo para makisaya at manood ng dragon dance na ginagawa tuwing Chinese New Year dahil baka mabiktima kayo ng mga nagkukunwaring bumabati kuno ng “Kung Hei Fat Choi”, pero mga holdaper pala na gumagala ngayong Chinese New Year.

Ang Kung Hei Fat Choi, ibig sabihin pala, holdap ‘to, sa dalawang demonyong ito, pwe!

Ikaw kaibigan, anong sey mo?

Laging tatandaan, walang malo­loko kung walang magpa­paloko!

Ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page