Mga suspek sa Cathedral bombing, sumuko
- Jeff Tumbado
- Feb 5, 2019
- 1 min read

HAWAK na ng Philippine National Police (PNP) ang pangunahing mga suspek sa pagpapasabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa kanyang regular press briefing kahapon sa Camp Crame.
Ayon kay Albayalde, kasama sa limang mga nagsisuko sa mga awtoridad si Kamah Pae alyas Kamah at ang mag-aamang miyembro ng Abu Sayyaf sub-group na ‘Ajang-Ajang’.
Nitong Sabado unang sumuko ang grupo ni Kamah sa militar bago umano nai-turnover sa kustodiya ng PNP.
Ani Albayalde, hindi umamin sa krimen si alyas Kamah pero, ang apat na kasama nito na sina Albaji Kisae Gadjali alyas Awag; Rajan Bakil Gadjali alyas Radjan; Kaisar Bakil Gadjali alyas Isal at Salit Alih alyas Papong ay mga nagsiamin na sa kanilang partisipasyon.
Paliwanag ni Kamah napilitan siyang lumantad dahil alam niyang tinutugis siya ng mga awtoridad.
Sa paggalugad ng mga awtoridad sa bahay ni Kamah ay dito natagpuan ang ilang mga bahagi ng sangkap sa paggawa ng bomba at ilan pang parte ng improvised explosive device o IED.
Maliban sa mga nagsisuko, may 14 iba pa na sinasabing bahagi ng 22 miyembro ng ASG na pinamumunuan ni Hatib Hajan Sawadjaan, ang pinaghahanap pa ng pulisya at militar kaugnay ng Jolo twin blasts.
Nahaharap si Kamah at grupo nito sa patung-patong na kaso.





Comments