top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Iba't ibang sanhi ng hika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 5, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Nagkaroon ng hika ang anak kong 12 years old. Nagpa-check-up kami at binigyan siya ng inhaler. Napapan­sin kong sinusumpong ang anak ko kapag ubo siya nang ubo, lalo na kapag nakaaamoy siya ng usok ng sigarilyo. Wala naman kaming hika na mag-asawa kaya nagtataka ako kung bakit siya nagka­roon nito. Anu-ano ba ang sanhi ng hika?—May Anne

Sagot

Ang hika o asthma ay isang karani­wang kon­disyon kung saan nagka­karoon ng paninikip at pamamaga sa daluyan ng paghinga at dahil dito, nakararanas ng pag-ubo at hirap sa paghinga. Minsan, ang pag-atake ng hika ay nagiging sagabal sa mga gawain, lalo na kung ang mga sintomas na nararanasan ay mas matindi. Sa ngayon, wala pang gamot na makapag­papagaling sa hika, ang nagagawa lamang ay kon­trolin ang mga sintomas na nararanasan. Sabi ng ilang eksperto, ito raw ay namamana mula sa mga magulang. Ang tanging malinaw lang, mayroong “triggers” na nakapagpa­pasimula ng hika.

Ano ang “triggers” ng pag-atake ng hika?

Ang pag-atake ng hika ay maaaring magsimula dahil sa ilang triggers. Maaaring ang mga ito ay nagdudulot ng iritasyon o allergic reaction sa daluyan ng paghinga kaya nagkakaroon ng pama­maga at paninikip.

Narito ang ilan sa itinuturong triggers ng hika:

  • Allergens tulad ng alikabok, pollen mula sa halaman at balahibo ng hayop.

  • Impeksiyon sa dalu­yan ng paghinga tulad ng sipon at ubo.

  • Sobrang pagpapaka­pa­god.

  • Malamig na simoy ng hangin.

  • Usok mula sa mga sasakyan at pabrika.

  • Gamot na iniinom tulad ng aspirin, ibupro­fen at naproxen.

  • Sobrang stress.

  • Buwanang dalaw sa kababaihan.

Ang pagkakaroon ng hika ay pinakamataas kung tayo ay may kadu­gong mayroong hika. Mataas din ang posibili­dad ng pagkakaroon nito kung mayroon allergies sa ilang mga bagay o kung sobra ang timbang o overweight. Ang mga taong naninigarilyo ay may posibilidad din na mag­karoon ng hika, gayundin, ang paninigarilyo habang buntis na maaaring mai­pasa sa dinadalang bata.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page