Bumabang bilang ng mga guidance counselor, ‘wag dedmahin
- BULGAR

- Feb 5, 2019
- 2 min read
ANG bilis ng panahon, dalawang buwan na lang ang natitira at panibagong school year na naman ang matatapos!
Panigurado, magiging abala na ulit ang mga guidance counselor para gabayan ang mga estudyante at kanilang mga magulang sa pagpili ng kurso na nababagay sa aptitude at personalidad ng bawat isa sa kanila.
Ibinahagi sa atin ng ilang mga guidance counselor na isa sa kanilang mga tungkulin ay maipaliwanag sa bawat mag-aaral ang importansiya ng National Career Assessment Examination (NCAE) para sa kanilang self-assessment, career awareness at career guidance kung saan tinutuklas ng test na ito ang special skills, talent at interes ng mga estudyante para mas maging matagumpay sila sa kolehiyo.
Mahalaga ang resulta ng NCAE para makapagdesisyon ang mag-aaral kung anong career track ang kanyang ie-enroll tulad ng Accountancy Business Management (ABM), General Academic Track, Humanities and Social Sciences Strand, Science Technology Engineering Mathematics (STEM) at Technical-Vocational Livelihood (TVL) Track.
Dagdag pa rito ang pagbuo ng guidance program na ipalalaganap sa buong paaralan kung saan magpapatupad sila ng iba’t ibang guidance services.
Bukod pa rito, isa pa sa sinosolusyunan nila ay ang mga suliranin sa absenteeism, cutting classes, iligal na gawain, mental at emosyunal na kalusugan, sa pakikipagtulungan sa mga magulang, guro at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Siyempre, hindi mawawala ang counseling, leadership development sa mga mag-aaral, remedial at make-up classes at pagkilala sa mga estudyante na pagkakalooban ng mataas na karangalan.
Nakalulungkot mang isipin, ngunit, sa rami at bigat ng mga nabanggit na tungkulin ng mga guidance counselor ay ang katotohanang may matinding kakulangan ng guidance counselor sa bansa.
Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), ang public at private schools ay nangangailangan ng guidance counselor sa bawat 500 estudyante.
Ngunit, sa kasalukuyang sitwasyon at base sa resulta ng 2018 Professional Regulations Commission (PRC) Licensure Examination para sa guidance counselors, 307 ang nakapasa sa kabuuang 471 na kumuha ng test, samantalang, nangangailangan tayo ng mahigit 46,000 na rehistradong guidance counselors sa buong bansa.
Pinaniniwalaang kaya malaki ang kakulangan nito ay dahil sa requirement ng DepEd na magkaroon ng master’s degree sa guidance counseling para sila ay matanggap sa nasabing trabaho.
Matindi ang pangangailangan natin sa mga guidance counselor sa maraming paaralan ngunit, masyado namang mataas na requirement ito para sa kanila.
Kailangan natin ng alternatibong solusyon na maaaring ipatupad, kaya bilang vice-chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture, ating ipinanunukala na ang budget para makakuha ng mas marami pang guidance counselors ay kunin mula sa 2.8 bilyon proposed mandatory drug testing ng milyun-milyong Grades 4 to 12 students na balak noon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa kabila ng lahat ng pagsubok sa mga eskuwelahan ngayon, umaasa tayong mapupunan ang bawat paaralan ng sapat na bilang ng mga propesyunal na tutulong sa pagkatuto at kasanayan ng mga kabataang mag-aaral sa kanilang pag-aaral maging sa personal nilang buhay.
Tiyak, sa tulong ng mga guidance counselor, mapapabuti ang kapakanan ng lahat upang magtagumpay sa akademiko, musika, sining, sports at iba pang makabuluhang gawain.
Sa mga guidance counselor ngayon, saludo kami sa inyong pagsisikap at determinasyon sa lahat ng inyong ginagawang trabaho para sa kabataan.
Mula counseling hanggang sa pag-aasikaso ng mga exam, sana ay huwag kayong susuko! Higit sa lahat, sana ay lubos na madagdagan pa kayo ngayong taon.





Comments