20% discount sa pasahe ng mga estudyante sa lahat ng transportasyon, lusot na
- V. Reyes
- Feb 5, 2019
- 1 min read

PINAGTIBAY na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang panukalang layong gawing batas na ang pagbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento sa pasahe ng mga estudyante sa lahat ng uri ng transportasyon.
Sa botong 169 na pabor at walang tumutol, inaprubahan ang House Bill 8885 o Student Fare Discount Act.
Pinalalawig sa panukala ang sakop ng mga transportasyong dapat magbigay ng diskuwento sa pasahe ng mga mag-aaral na mula sa kasalukuyang land public transportation tulad ng jeepney at bus ay isasama na rin ang mga arline at shipping company.
Gayunman, hindi kasama sa student fare discount ang school service, shuttle service, tourist service at katulad na uri na transportasyon.
Tatlong buwang suspensiyon ng lisensya ng tsuper ng anumang pampublikong sasakyang panlupa, pandagat at panghimpapawid, gayundin ang pagmumulta ng P1,000 hanggang P20,000 ang ipapataw sa mga lalabag.
Gayunman, hindi sakop ng panukala ang mga estudyante sa post graduate degree courses at informal short-term courses tulad ng dancing, swimming, music at driving lessons pati mga seminar.
Para makakuha ng diskuwento, kailangang ipakita ang kanilang valid student ID and enrollment form.
Kailangang ibigay ang diskuwento kahit weekend at holiday o walang pasok.
Maaaring makasuhan at maparusahan ang mga magpiprisinta ng mga pekeng ID para lang makakuha ng fare discount.





Comments