‘Bomb joke challenge’ tigilan, ‘wag epal!
- BULGAR

- Feb 5, 2019
- 1 min read

MAY mga biro na hindi nakatutuwa na dapat iwasan tulad ng ‘bomb joke’.
Matapos ang malagim na pagbomba sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng mahigit 20 katao, hindi maitatanggi na sobrang tindi ng impact na iniwan nito.
Isinailalim na sa mahigpit na pagbabantay ang buong bansa.
Nagkalat ang checkpoints sa mga kalsada, nagdagdag ng mga bantay sa mall, terminal at iba pang matataong lugar. Ipinagbawal ang pagdadala ng bottled drinks sa LRT at MRT at marami pang iba.
Gayunman, habang nangyayari ang lahat ng ito alang-alang sa seguridad ng lahat, may mga pasaway pa rin.
Sa isang mall sa Isabela, hinuli ang isang estudyante matapos magbiro tungkol sa pampasabog.
Habang iniinspeksiyon ang kanyang bag papasok sa establisimyento, nag-joke ito na may laman daw itong bomba, hindi raw niya alam na bawal ito.
Sabay hirit na hinamon lang siya ng kanyang kaklase na mag-bomb joke.
Ang ending, dinampot ang estudyante at dinala sa tanggapan ng mall at doon todo-sisi sa ginawa.
Bagama’t, hindi umano ito nagdulot ng alarma sa lugar, hindi pa rin tama na gawing biro ang bagay na maaaring ikapahamak ng lahat.
Alam nating nauuso ang mga challenge ngayon, kung anu-ano nalang ang ginagawa at ipino-post sa social media. Tila wala ng pakialam kung madisgrasya o makadisgrasya, basta ang mag-viral o sumikat lang. Utang na loob, tigilan n’yo na!
Sa panahon ngayon na umaatake ang mga walanghiya at walang konsensiya, huwag na nating dagdagan pa.
Kung walang magawang mabuti, manahimik na lang at huwag nang papansin, hindi na nga nakatutulong, nakagugulo pa!





Comments