top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

ORANZA, MORALES, HANDA NA SA DIKDIKANG PEDALAN SA RONDA PHL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 4, 2019
  • 2 min read

SISIKAPIN ng many-time champion Philippine Navy-Standard Insurance na depensahan ang korona at pangunahan ang Pinoy hosts laban sa mga ‘di inaasahang malalakas na foreign challengers sa LBC Ronda Pilipinas 2019 na nakatakda sa Peb. 8-12 sa Iloilo, Guimaras, Roxas City at Antique.

Ang Navymen ay may tsansa na sumagupa laban sa pinakapetmalu na riders matapos makipagsabayan sa nakaraang edisyon ng taunang karera at matulungan ang bansa na makapagtala ng Olympic qualifying points para sa 2020 Olympics sa Tokyo, Japan.

Ang Navy ay pangungunahan ng malulupet na roster na sina Ronda king Ronald Oranza, two-time champion Jan Paul Morales at 2018 third placer at many time King of the Mountain winner Junrey Navarra.

Ipambabalandra rin ng Navy sa pedalan sina Ronald Lomotos, Rudy Roque at El Joshua Cariño na pawang mga ‘di matibag na top 10 finishers sa nakaraang mga cycling event at mga babantayan ng katunggali sa five-stage race ng LBC at MVP Sports Foundation. “Ito na ang pagkakataon namin na maipakita ang galing laban sa mas malalakas na international teams,” ani Morales, ang Navy skipper.

Para kay Oranza, na tinalo si Morales noong 2019 at kunin ang unang korona ng Ronda, ang pakay niya ay para sa karangalan ng bansa. “Noon kumakarera kami para sa Navy team at sa aming sarili. Pero ngayong taon, para na sa bansa at iniaalay namin ang kampanya na ito,” saad ni Oranza. Ito ang unang pagkakataon na sanctioned ng world governing Union Cycliste Internationale (UCI) ang nine-year history ng pinakamalaking cycling race sa bansa na nilalahukan ng 15 koponan kabilang na ang pitong local teams ng Navy.

Ang iba pang local teams na kalahok ay ang Army Bicycology, Go for Gold, 7Eleven Cliqq-Air21 ng Roadbike Phls, Team Franzia, Team Tarlac at Bike Xtreme habang ang mga foreign teams ay ang Matrix Powertag Japan, Nex Cycling, Korail Team Korea, PGN Road Cycling Team, Sri Lanka Navy Cycle Team, Customs Cycling Indonesia, Terengganu Cycling Team at Cambodia Cycling Team.

Ang UCI ay gagamit ng bagong qualification rule mula sa Olympic cycle ng Tokyo kung saan pinapayagan ang 50 bansa na quadrennial meet at ang LBC Ronda Pilipinas 2019 ang magbibigay tsansa sa ‘Pinas na makatipon ng mas maraming qualifying points.

Ang karera ay binubuo ng 197.6-kilometer Iloilo-Iloilo Stage One sa Peb. 8 at tutungo sa 101.8km Guimaras-Guimaras Stage Two sa sumunod na araw. Ang peloton ay babalik sa Iloilo para sa 179.4km Iloilo-Roxas City Stage Three sa Peb. 10 kasunod ng 146.9km Roxas-Roxas Stage Four sa Peb. 11. Magtatapos ang karera sa 148.9km Roxas-Antique Stage Five sa Peb. 12. Ang awarding ceremony ay idaraos sa Boracay sa parehong araw. (MC/VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page