top of page
Pokwang.jpg

Isyu ng Angkas, umarangkada!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 4, 2019
2 min read

HELLO, mga bes! Lunes na naman, simula ng isang linggong kalbaryo na dulot ng araw-araw na problema sa buhul-buhol na trapiko sa mga kalsada, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga malalaking lungsod sa iba’t ibang lugar ng bansa.

Ramdam natin ito mga bes, dahil naiipit din tayo sa malaprusisyong daloy ng trapiko sa ating araw-araw na pagbibiyahe mula sa ating tahanan patungong Senado.

Nakikita naman nating ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno ang lahat ng paraan para malutas ang problemang ito. Nariyan ang paghahanap ng MMDA ng mga alternatibong daanan, pagpapatupad ng number coding at ang mahigpit na pagpapatupad ng batas sa illegal parking.

Kabi-kabila rin ang mga ginagawang proyekto para mabawasan kundi man tuluyang mapaluwag ang daloy ng trapiko tulad ng pagtatayo ng mga flyover at pagpapaluwag sa ilang pangunahing lansangan.

Gayunman, hanggang ngayon ay patuloy tayong piniperhuwisyo ng problemang ito kaya marami sa ating mga kababayan ang napipilitang humanap ng alternatibong transportasyon para mabilis na makarating sa kanilang mga pupuntahan, maging ito ay sa kanilang trabaho o mga negosyo.

Dahil sa paghahanap ng mas mabilis na uri ng transportasyon na kayang makalusot sa gaano man kasikip na trapik, naging popular ang habal-habal o ang Angkas ng mga pasahero sa mga namamasadang motorsiklo na bukod sa sinasabing delikado sa kaligtasan ay iligal din ang operasyon ng mga ito.

Dahil dito, naghain tayo sa Senado ng resolusyon (Senate Resolution 993) para sa rebyu ng 55-taon ng Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na nagbabawal sa mga pribadong motorsiklo at scooter na mamasada.

Noong nakaraang Miyerkules, nagsagawa nang pagdinig ang Senate Public Services Committee na ating pinamumunuan. Inimbita natin ang mga kinatawan mula sa DOTr, LTO, LTFRB, Angkas at iba pang may kinalaman dito.

Natuwa naman tayo dahil nalaman nating mula sa kinatawan ng DOTr na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng binuo nilang ‘technical working group’ ang mga punto para sa maayos na regulasyon sakaling maaprubahan ang pamamasada ng mga motorsiklo.

Hiling natin na sana ay agad makapagpalabas ng posisyon ang TWG ng DOTr para maikonsidera natin ang naging resulta ng kanilang pag-aaral sa pagbusisi ng Senado sa usaping ito.

Umaasa tayo, mga bes, na ang binuong grupo ng DOTr, LTFRB at LTO para pag-aralan ito ay kukunin at pakikinggan ang mga opinyon at kaalamang maiaambag ng mga pasahero, motorista at mamamayan para sa ikabubuti ng lahat.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page