Isa sa mga bus sumalpok sa trak, 5 patay | OPERASYON NG JUMBO TRANSPORT, INC., STOP
- Vyne Reyes
- Feb 4, 2019
- 1 min read

SINUSPINDE na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kumpanya ng bus na nasangkot sa aksidente sa SCTEX sa Concepcion, Tarlac na ikinamatay ng limang pasahero at pagkasugat ng maraming iba pa.
Hindi hihigit sa 30 araw na suspensiyon ang ipinataw sa Jumbo Transport, Incorporated na epektibo noong Pebrero 1.
Sa tatlong pahinang kautusan ng LTFRB, hindi muna pinapayagang bumiyahe ang sampung units ng Jumbo Transport na may rutang Las Piñas City hanggang sa iba’t ibang panig ng Luzon.
Ipinasusuko rin ang plaka ng sampung bus units ng nasabing kumpanya sa Legal Division ng LTFRB sa Pebrero 11.
Bahagi ng preventive suspension na mainspeksiyon ang road worthiness ng mga pampasaherong bus ng Jumbo Transport.
Ipinasasailalim din sa road safety seminar at mandatory drug test ang mga tsuper ng kumpanya.
Naglabas din ng show cause order ang LTFRB para pagpaliwanagin ang bus operator kung bakit hindi sila dapat mapatawan ng suspensiyon.
Kailangan nilang isumite ang tugon sa loob ng 72 oras mula sa pagkakatanggap ng kopya ng kautusan.
Sa sandali naman na hindi makatugon sa nasabing kautusan ang Jumbo Transport, Inc., ituturing na itong waiver ng kumpanya para marinig pa ang kanilang panig at ang LTFRB ang magpapasya kung ano ang maaaring ipataw dito.





Comments