Business na paghoholdap, humina | Abu Sayyaf, todo-kapit sa mga dayuhang terorista, mga desperado!
- BULGAR

- Feb 4, 2019
- 3 min read
DESPERADO na ang Abu Sayyaf, ang kriminal na grupo na nasa likod umano ng pambobomba ng Jolo, Sulu. Nang humina ang business nila sa panghoholdap, nakipag-deal naman sila sa mga dayuhang terorista para manggulo sa Pilipinas.
Walang kuwenta ang Abu Sayyaf Group (ASG). Wala silang malinaw na paniniwala kundi ang magsagawa ng mga kriminal na gawain para magkapera. Ibahin natin sila sa Moro National Liberation Front ni Nur Misuari na may ideolohiyang ipinaglalaban.
Ang pagbomba sa Mount Camel Cathedral sa Jolo ay isinagawa ng ASG, pero dahil duwag ang mga miyembro nito, nag-“import” pa sila ng tagabomba!
May balitang dalawang dayuhang “suicide bombers” ang nagpasabog ng bomba sa loob at labas ng Simbahan.
Mag-asawang Indonesians ang nagpasabog ng bomba at miyembro umano ang mga ito ng ISIS.
Naalala pa ba ninyo ang ISIS? Ito ang grupo ng mga terorista na nakabase sa Syria na gustong ibalik ang mundo sa panahong nakabalot ng hijab ang kababaihan, may balbas ang kalalakihan at hihiwain ang leeg pagkatapos ay pupugutan ang lahat ng kaaway nila.
Itim ang watawat ng ISIS na kasing itim ng kanilang mga budhi. Sinubukan nilang agawin ang Marawi City noong 2017, pinondohan ang mga lokal na rebelde tulad ng Maute Group at binigyan ang mga ito ng malakas na armas.
Isipin ninyo, may RPG sila o rocket-propelled grenade na napakamahal na malalaking militar lang ang mayroon nito. Ganu’n karami ang perang nakurakot ng ISIS.
Tapos, may kapital pa sila para makapag-“import” ng mga mersenaryo para makipaglaban sa Armed Forces of the Philipines (AFP).
Mabuti na lang at matapang ang mga Pilipinong sundalo. Hindi nila tinigilan ang mga ISIS hanggang sa maubos ang mga walanghiya at napalayang muli ang Marawi City.
Napatay sa labanan sa Marawi si Isnilon Hapilon, lider ng Abu Sayyaf na “Emir” daw ng ISIS sa Pilipinas. Napatay din umano ng Philippine Army ang kanyang katsokaran na si Omar Maute.
Dahil naging desperado pagkatapos matalo sa Marawi, heto na naman ang ASG at pilit nanggugulo sa Mindanao.
Malamang, malaking pera ang ibinigay ng ISIS sa ASG para matulungan ito para mag-“recon” sa Simbahan at alamin kung kailan at saan titirahin ang mga inosenteng nagmimisa.
Siguradong sila rin ang tumulong sa mga dayuhan para makakuha ng parte sa paggawa ng “deadly” na bomba.
Ang pagsabog na naganap sa loob ng cathedral ay mahigit 20 katao ang napatay at mahigit 100 ang nasugatan. Ang una raw pagsabog sa loob ng Simbahan ay babae ang nag-trigger.
Nang nag-panic ang mga tao at paglabas ng pintuan ay sumabog naman ang pangalawang bomba gawa ng lalaking suicide bomber.
“Bali-style” raw ang ganitong bomba kung saan pinaplano ng mga terorista na kapag nag-panic ang mga tao ay sasalubungin sila ng isa pang bomba.
Tanong lang, alam ba ng Indonesia na posibleng isa o dalawa sa mamamayan nila ang nagpasabog ng bomba sa Pilipinas?
Dapat tulungan nila tayo para mahuli ang iba pang miyembro ng ISIS at ASG na nakatakas. Huwag tayong maniniwala sa mga taong nagpipilit sabihing away daw sa relihiyon ang nangyayari sa Jolo, Sulu. Hindi ‘yan totoo.
May mga grupo lang talagang tulad ng ISIS at ASG na gustong guluhin ang kapaligiran para maagaw nila ang teritoryo para sa kanilang grupo.
Pera at kapangyarihan ang pakay nila. Naniniwala tayong maraming Filipino-Muslim na ayaw ng gulo at ang gusto lang nila ay mamuhay ng tahimik.
Matapos ang bayolenteng insidente, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa AFP na tapusin at ubusin na ang ASG.
“Pulpugin ninyo ang Abu Sayyaf sa kahit anong pamamaraan,” sabi ni P-Duterte. Dapat daw paalisin muna ng AFP ang mga tao sa lugar kung saan nagtatago ang mga terorista bago ito bombahin ng militar. “Tapos plantsahin ninyo ng bala,” dagdag pa niya.
Tungkulin ng pangulo na mapangalagaan ang Republika ng Pilipinas. Hindi puwedeng kahit isang siyudad o isla ay mapunta sa mga terorista, lalo na sa mga mamamatay-tao at kidnaper na tulad ng Abu Sayyaf.





Comments