3 bebot tiklo sa P1 milyon halaga ng shabu
- Maeng Santos
- Feb 4, 2019
- 1 min read

NASA 17 plastic sachets ng shabu na aabot sa isang milyong piso ang nakumpiska sa tatlong babae na naaresto ng mga pulis sa buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas Police Deputy Chief for Administration at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Head PCI Ilustre Mendoza ang mga naaresto na sina Christina Gitag alyas Nene, 26; Corazon Marcos alyas Cora, 58, at Annalyn Tremocha, 23, pawang mga residente ng Bgy. NBBN.
Ayon kay PO2 Jaycito Ferrer, alas-11:35 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PCI Mendoza ang buy-bust operation kontra kina Cora at Nene sa Market 3, Bgy. NBBN.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang pack ng shabu kay PO1 Glenn Ocampo na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P2,000 marked money, nagbigay na ng signal ang pulis sa kanyang mga kabaro kaya agad lumusob ang back-up na mga operatiba saka inaresto sina Cora at Nene kasama si Annalyn.
Ani PCI Mendoza, narekober kay Cora ang buy-bust money habang nakumpiska kay Nene ang isang kahon na naglalaman ng 14 plastic sachets ng hinihinalang shabu, samantalang, nakuha naman kay Annalyn ang dalawang plastic sachets ng shabu na tinatayang aabot lahat sa isang milyong piso.
Patuloy na ang follow-up investigation sa posibleng pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng pinagkukunan ng mga suspek ng iligal na droga.





Comments