Pangkaraniwang sintomas ng kabag sa mga bata
- BULGAR

- Feb 3, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Ako ay may bagong panganak na sanggol at siya ay 3 weeks na. Madalas siyang kinakabag kasi palaging matigas ang kanyang tiyan at ito ang dahilan kaya madalas siyang umiiyak. Hinihilot namin siya gamit ang aceite de manzanilla para maibsan ito, pero ganu’n pa rin. Nagbe-breastfeed ako subalit, hindi sapat ang gatas ko kaya sinasabayan ko na lang ng powdered milk. Gusto kong malaman kung ano ang sanhi nito at ano ang dapat kong gawin? — Samantha
Sagot
Ang kabag ay isang pangkaraniwang karamdaman na nararanasan ng bata. Ito ay nakababahala, lalo na sa mga sanggol na isa hanggang apat na buwan pa lamang.
Narito ang pangkaraniwang dahilan nito:
maling paraan ng pagpapakain
sobrang pagpapakain
hindi pa masyadong nade-develop ang sistema ng pantunaw
pagiging sensitibo sa pagkain
sobrang lactose
sobrang pag-iyak
Narito ang ilan sa mga sintomas nito:
sobrang pagdighay o sinok
sobrang paglalaway
paninigas ng tiyan
sobrang pag-utot
sobrang pagpapakaabala
Narito ang mga dapat gawin para maibsan ang kabag ng sanggol:
Tamang posisyon sa pagpapakain — kung nagpapasuso, panatilihing ang ulo at leeg ng bata ay nasa posisyong mas mataas kaysa sa kanyang tiyan. Kung bottle fed naman, pakainin siya ng nasa vertical na posisyon at nakahilig ng kaunti ang bote upang pumaitaas ang hangin mula rito.
Padighayin habang o pagkatapos kumain — sinasabi ng mga pediatrician na mainam na posisyon ang pag-upo o kaya ay ang pagpapatindig ng bata o paghawak sa kanya sa ibabaw ng balikat.
Ikonsulta sa espesyalista kung nagpapasuso — siguraduhing tama ang paraan ng pagpapakain, kung sobrang mahina o mabilis ba ito at ang dalas ng pagpapasuso.
Gumamit ng tamang bote at pormula ng gatas kung bottle fed — dapat malambot ang nipple ng bote at tama ang pag-agos ng gatas mula rito upang hindi masobrahan ang sanggol at maiwasan ang kabag.




Comments