top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Mambabatas na hindi papayag isapubliko ang SALN, ‘wag nang magtrabaho sa gobyerno, period!

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 3, 2019
2 min read

IBA talaga kapag marami kayong magkakakampi sa Kongreso, iba rin kapag ayaw ipakita sa publiko ang mga ari-arian at kayamanan. Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang batas kung saan kailangan ng pahintulot mula sa mayorya ang pagsasapubliko ng Statement of Assets and Liabilities and Net Worth o SALN ng mga mambabatas. Hindi lang ‘yan, tila pinahihirapan din ang media at publiko. Maraming hinihingi bago magbigay ng kopya ng SALN. Kung kailangan ng pahintulot ng mayorya ang paglabas ng SALN, may makukuha pa ba ang media at publiko? Kung isa lang d’yan ang tumutol, wala nang makukuha. Hindi ba, may freedom of information na sa ilalim ng adminis­trayong ito?

Ayon sa mambabatas mula sa oposisyon, labag umano sa Konsti­tus­yon ang nasabing batas hinggil sa pagkuha at pagsasapubliko ng SALN ng mga mambabatas, pero ganyan talaga ang administrasyon. Naaalala natin noon kung saan pinagtakpan umano ang ilang mahahalagang impormasyon sa SALN ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte. Natural, may paliwanag o dahilan sila kahit nasa batas na kailangan itong ipakita. Kung walang itinatago, walang dapat ika­takot o ikabahala ang pagsasa­publiko ng SALN. Kung ayaw ipaalam sa publiko ang yaman, huwag magtraba­ho sa gobyerno o tumakbong mambabatas.

◘◘◘

Opisyal na nagpahayag si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na ang dalawang pagsabog sa Simbahang-Katolika sa Jolo, Sulu ay gawa umano ng dalawang suicide bombers mula Indonesia. May mga nagpahayag mula sa mga nakaligtas na may nakita raw silang babae at lalaki na “medyo kahina-hinala ang kilos”. Umupo raw ang babae sa loob ng Simbahan habang lumabas naman ang lalaki. Hindi pa raw makapag­bibigay ang PNP ng malinaw na impormasyon kung taga-Indonesia nga ang mga nagpasabog hangga’t hindi pa lumalabas ang resulta ng DNA.

Pero, hindi pa rin absuwelto ang Abu Sayyaf. Ayon kay Sec. Año, ang ASG ang nagbigay ng target at naghatid sa dalawa. Patuloy ang mga operasyong militar laban sa ASG, batay na rin sa utos ni P-Duterte na mag-”all-out-war” na sa mga terorista. Sa ngayon, ito ang opisyal na pahayag ng mga awtoridad. Naging mas mahirap na ang laban kontra terorista, kung mga suicide bomber ang nasa likod nito. Nagpahayag naman ng suporta ang Israel at Russia na tutulong na labanan ang terorismo sa bansa. Sana nga, partikular ang Israel na sanay nang lumaban sa mga militante.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page