top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Kaugnay ng Manila Bay rehabilitation | PASILIDAD PARA SA WATER AT WASTE TREATMENT, SINIMULAN NA

  • Gina Pleñago
  • Feb 3, 2019
  • 1 min read

SINIMULAN na ng mga establisimyento sa Pasay City na tugunan ang kakulangan sa wastong pagtatapon ng tubig sa pamamagitan ng pagpapatayo ng sarili nilang pasilidad para sa water at waste treatment.

Napag-alaman na karamihan sa mga establisimyentong iniutos na isara ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang tanggapang nasa ilalim ng pamamahala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay nabigyan na ng babala noon pang Setyembre ng nagdaang taon kaya walang dahilan upang hindi nila matugunan ang nararapat na panuntunan.

Ilan sa mga establisimyento sa Pasay City na binigyan ng “notice of closure” ang HK Sun Plaza, Tramway Bayview Buffet Restaurant, Gloria Maris Sharksfin Restaurant, Euniverse Entertainment, D Circle Hotel, Malate Bayview Mansion, Summit Ice, Inc. at marami pang iba.

Sa ipinatawag na pulong-balitaan ni Lolita Borja, general manager ng Euniverse Entertainment, ipinakita niya ang ipinatayo nilang water treatment facility na sinimulang gawin noon pang Nobyembre ng nagdaang taon at ginastusan ng milyong halaga upang matugunan lamang ang panuntunang ipinaiiral ng LLDA at DILG.

Aniya, hindi pa nasisimulan ang waste treatment na ipatatayo rin nila, handa na silang sumailalim sa panibagong inspeksiyon ng LLDA upang patunayan na sumusunod sila sa inilatag na panuntunan ng mga ahensiya ng pamahalaan.

Ipinakita rin ni Borja ang ginawang pagsasara ng LLDA ng daluyan nila ng tubig na hindi nila ginalaw upang patunayan na handa silang sumunod sa mga panuntunan.

Nabatid na nagsimula na ring magpatayo ng kani-kanilang sariling water at waste treatment facilities ang ilan pang establisimyento sa lungsod upang matiyak na malinis ang tubig na dadaloy mula sa kanila patungo sa Manila Bay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page