Dahil sa takot ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak | Bilang ng mga batang nagkakati

PARAMI nang parami ang mga batang nagkakaroon ng tigdas na dinadala sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Base sa tala ng nasabing pagamutan, umabot na sa 1,249 ang kaso ng tigdas noon lamang buwan ng Enero at 47 sa mga ito ay may edad 3 pababa.
Ayon kay San Lazaro Hospital Spokesman Dr. Ferdinand de Guzman, apat sa kanilang mga pasyente ang namatay dahil sa kumplikasyon ng sakit na pneumonia.
Dagdag pa nito, kaya umano tumaas ang bilang ng mga batang may tigdas ay dahil sa takot ng ilang mga magulang na bigyan ng bakuna ang kanilang mga anak.
Matatandaang, nawalan ng tiwala ang mga magulang matapos mangyari ang kontrobersiya hinggil sa bakuna na Dengvaxia na pumatay sa maraming bata na hindi inaasahan ng karamihan at hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuldukan dahil marami pa ring tanong na walang kasagutan, gayundin, na hindi pa lumalabas ang mga taong nasa likod nito, kaya tuloy maging ang bakuna para sa tigdas at iba pang mga sakit na libreng ibinibigay ng pamahalaan ay hindi na pinagkatiwalaan ng mamamayan.
Bagama’t, hindi natin masisisi ang mga magulang dahil sa pangambang kanilang nararamdaman, mas mainam kung mapababakunahan pa rin ang mga bata lalo na kung kinakailangan nila ito.
Palagi natin tatandaan na kahit napakalaking pagkakamali ang ginawang paghahanda para sa anti-dengue, makabubuti pa rin kung mamo-monitor natin ang kalusugan ng ating mga anak.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments