BATANG PINOY MINDANAO LEG, OPEN NA


ANGKININ ang ikalawang sunod na pangrehiyon na korona ang asam ng Davao City sa pagsisimula ng kompetisyon bukas ng pangunahing torneo na nagsisilbing breeding ground ng mga papaangat na kabataang atleta ng 2019 PNYG-Batang Pinoy sa Davao Del Norte Sports and Tourism Complex sa Mankilam, Tagum City, Davao Del Norte.
Sasandigan ng Davao City ang kabuuang 383 katao na delegasyon sa pagnanais nitong mapanatili ang kampeonato ng torneo na para sa mga kabataang atleta na edad 15-anyos pababa na sasabak sa paglalabanang 20 sports na magsisimula sa Pebrero 3 hanggang 9.
Ang Davao City ay binubuo ng 310 atleta, 49 coaches, 21 officials, at tatlong medical staff. Aasa ang Davao City sa swimming na sasalihan ng 20 lalaki at 18 babae na maiuwi ang mga medalya sa paglahok sa 10th BIMPNT-Eaga Friendship Games sa Brunei Darussalam ng nakaraang Disyembre pati ang boys and girls basketball at girls futsal teams. Aasa rin ng gold medal ang Davao City sa archery, arnis, athletics, badminton, baseball, boys and girls boxing, chess, dancesports, boys futsal, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, table tennis, taekwondo, boys and girls indoor volleyball at ang beach volleyball.
Tampok sa Batang Pinoy Mindanao preliminary leg ang kabuuang 3,553 officially registered athletes mula sa 90 local government units sa rehiyon ng Mindanao. Nakataya din ang kabuuang 2,593 medalya na may 765 ginto, 765 pilak at 1,063 tanso sa torneo.
Ilan lamang sa mga naging produkto ng Batang Pinoy ang 3-time Olympian na si Hidilyn Diaz, ang World Gymnastics bronze medalist na si Carlos Edriel Yulo, ang Asian at SEA Games medalist na sina Carlo Paalam, Regen Ladon at Eumir Felix Marcial at mga batang miyembro ng track and field team na sina Karen Janario at Veruel Verdadero. (ATD)





Comments