Sanhi ng pagtubo ng kulugo sa ari
- BULGAR

- Feb 2, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Mayroon akong nakilalang lalaki sa Canada noong nakapagtrabaho ako roon bilang waitress. Isang taon din ang lumipas bago ko siya naging BF. Ngayon ay almost 3 years na kami kaya hindi ko maitatangging ilang beses nang may nangyari sa amin. Gayunman, nitong mga nakaraang linggo napansin kong parang may kakaibang tumutubo sa aking ari. Sobrang kati nito at tila kulugo ang hitsura. May nabasa ako sa post sa FB na sa pakikipagtalik daw ito nakukuha. Nababahala ako dahil dito kaya nais kong malaman kung totoo ba ito, gayundin, kung nagagamot ito? Ano ang dapat kong gawin para mawala o magamot ito? — Gilda
Sagot Ang pagkakaroon ng mga kulugo sa ari (genital wart) ay isang uri ng sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Lumilitaw ang mga kulugong ito sa ari ng lalaki at babae at maging sa puwit ng taong nahawahan mga anim hanggang labindalawang buwan pagkalipas na mahawa. Ito ay dala ng impeksiyon mula sa condylomata acuminate o human papilloma virus (HPV).
Kabilang sa mga sintomas ng sakit na ito ang pangangati ng mga kulugong natatagpuan sa loob at labas ng ari ng lalaki at babae. Nagsisimula lamang ang mga kulugo bilang mga maliliit na butlig at lumalaking tila mga cauliflower sa paglaon.
Naililipat sa ibang tao ang mga kulugo sa ari sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular na kung mayroon nang mga kulugo ang taong kasiping.
Paano ito ginagamot? Sa ganitong uri ng sakit, binibigyang lunas lamang ang kulugo. Hindi nagagamot ang virus sapagkat kahit ipagamot, nagpapatuloy pa rin ang pagiging nakahahawa nito. Nangyayari ang pagkahawa at pagsalin kahit walang napapansing mga palatandaan. Isinasagawa, ang pagsusuring papanicolau (pap smear o pap test) para sa kababaihan.
Gayunman, pinapayuhan kayong magpakonsulta agad sa OB-Gyne para masuri nitong mabuti ang inyong kulugo sa ari at kung sakaling gamutin ‘yan kailangan ding magamot ang BF upang hindi ito tuluyan lumala at hindi na makahawa.




Comments