Pulis suma-sideline na tulak, todas

ISANG aktibong pulis na nakatalaga sa Laguna Provincial Police Office (LPPO) ang napatay ng kanyang mga kabaro sa isinagawang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Laguna kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot sa lugar ng engkuwentro ang suspek na si PO3 Jennyson Soriano, 45, residente ng Pagsanjan, Laguna at nakatalaga bilang base police sa loob ng Provincial Police Headquarters.
Ayon kay Senior Supt. Eleazar Matta, matagal na umanong sangkot sa iligal na kalakalan ng shabu ang suspek, partikular sa ikaapat na distrito ng Laguna.
Isinasangkot din ang napatay na pulis bilang supplier at protektor ng illegal drug trade sa lugar kung saan pinangalanan siya sa alyas Sir.
Ikinasa ang operasyon ng mga operatiba ng Intelligence Unit at Drug Enforcement Unit laban kay Soriano pasado alas-8:00 ng umaga sa bahagi ng Bgy. Bubukal na ilang metro lamang ang layo sa provincial police headquarters.
Nasa limang gramo ng shabu na nagkakahalagang P7,000 ang naibenta ni Soriano sa isang undercover police agent subalit, huli na nang malamang kapwa pulis nito ang kanyang katransaksiyon.
Dito na bumunot ng baril si Soriano na isang .9mm pistola na inunahan na ng putok ng ilang mga nakaantabay na awtoridad sa lugar.
Napag-alaman na tuwing off duty si Soriano ay ang pagtutulak ng droga ang kanyang sideline.





Comments