Kaso sa jaywalkers, tuloy na!
- BULGAR

- Feb 2, 2019
- 1 min read

“BAWAL tumawid dito, nakamamatay.”
“Bawal tumawid, may namatay na dito.”
Eh, sadyang may matitigas pa rin ang ulo at feeling zombie na hindi tatablan kapag nabangga ng sasakyan.
May matitinong tawiran ayaw gamitin, may ipinatayong footbridge, kinatatamarang akyatin.
Mas gustong makipagpatintero sa mga sasakyan, literal na buwis-buhay!
Kapag hinuli, sila pa ang galit, pumapalag sa multa, ayaw ding mag-community service.
Kaya ang ginawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), humirit ng kapangyarihan sa Metro Manila Council (MMC).
Ang sinumang mahuhuli sa jaywalking at binalewala ang jaywalking citation ticket na P500 o ayaw ding magbigay-serbisyo sa komunidad ay malalagay na sa alarm list ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nasa 17 local government units sa Kalakhang Maynila ang sakop nito at inaasahang magiging epektibo matapos ang 30 araw.
Isipin mo, kukuha ka ng NBI clearance para makapag-apply ng trabaho pero, dahil isa ka sa mga pasaway na jaywalker, nagka-hit ka sa record at kailangan mong maghintay ng ilang araw para ma-clear.
Sa pamamagitan din nito, maaaring matakot na rin ang mga paulit-ulit na lumalabag sa jaywalking.
Kaya kung ayaw maabala at magkakaso, huwag nang tumawid sa kung saan-saan, hindi ka na makakasuhan, hindi ka pa masasagasaan.




Comments