Gustong malaman kung pagmamay-ari na niya ang lawa na kusang umusbong sa kanyang lupain

Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Napamanahan kami ng lupain ng aming mga magulang na hinati-hati sa aming magkakapatid. Gayunman, noong nagkaroon ng malakas na ulan sa lugar namin ay nagkaroon ng tila lawa ang isang parte ng lupain ko. Sa katunayan ay medyo lumaki na ito ngayon ngunit, sakop pa rin sa lupain ko. Kaya naman, nais kong malaman kung ang lawa ay maituturing pa rin na pagmamay-ari ko. — Evelyn
Dear Evelyn,
Para sa inyong kaalaman, sang-ayon sa Article 503 ng New Civil Code of the Philippines:
“Art. 503. The following are of private ownership:
1. Continuous or intermittent waters rising on lands of private ownership, while running through the same;
(2) Lakes and lagoons, and their beds, formed by Nature on such lands;
xxx “ (Binigyan-diin)
Malinaw sa nasabing batas na kung natural na umusbong ang lawa, ito ay pagmamay-ari ng indibidwal na may-ari ng lupa kung saan ito naporma o lumitaw. Sa madaling salita, ang lawa na nasa sakop ng iyong lupain ay pagmamay-ari pa rin ninyo.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments