Dagdag-K9 sa Quiapo church
- Madel Moratillo
- Feb 1, 2019
- 1 min read

PARA masiguro ang kaligtasan ng mga deboto na nagsisimba sa Quiapo Church, magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene.
Ani Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, sa ngayon ay mayroon nang karagdagang K-9 units na naglilibot sa paligid ng simbahan habang nagdagdag na rin ng mga security personnel.
“Sa ngayon nagdagdag ng mga K-9, tapos pinalilibot palagi kasi yung mga K-9 naming mababait na raw kaya pinapalitan sila para talagang ma-check tapos nagdaragdag din ng mga security personnel tapos mas doblehin pa o triplehin pa ‘yung pag-iikot nila, every now and then tsini-check ‘yung mga bangko, ‘yung mga upuan pati ‘yung mga natutulog kapag gabi, so, tsini-check din ‘yun…” pahayag ni Badong sa panayam sa Church-run Radyo Veritas.
Apela naman nito sa mga nagsisimba na maging mapagmatyag sa kalagayang pangseguridad sa paligid ng simbahan.
Hinimok ni Badong ang lahat na tumulong at makibahagi sa pagtiyak ng kaligtasan ng bawat mamamayan sa pamamagitan ng pagiging mapagmasid at agad na pagsusumbong sa mga awtoridad ng anumang kahina-hinala sa labas at loob ng simbahan.





Comments