Lunas para hindi lumala ang allergic rhinitis
- BULGAR

- Jan 31, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ang weird kasi madalas akong bumabahing paggising ko sa umaga. Sobrang kati ng ilong ko sa umpisa tapos magiging tuluy-tuloy na. Marami kaming alagang aso kaya naisip kong baka ito ang rason. Gayunman, noong nakitulog ako sa mga kaibigan ko ay binabahing pa rin ako ngunit, hindi naman sila nag-aalaga ng aso. Ito kaya ay allergy lang o may iba pang dahilan? Nais kong malaman kung ano ang mainam na gamot na dapat kong inumin? — Erica
Sagot Kung ikaw ay sinisipon sa umaga, nangangati ang ilong, palaging barado ang ilong, posibleng ikaw ay may allergic rhinitis.
Ang allergic rhinitis o allergy sa ilong ay kondisyon na dulot ng hindi pagkahiyang ng ating katawan sa mga bagay sa kapaligiran tulad ng pollen ng mga talahib at ibang halaman, alikabok sa bahay, balahibo ng aso, pusa at iba pa.
Sa karaniwang tao, walang naidudulot na sintomas ang mga bagay na ito kapag ito ay nasinghot o kaya ay pumasok sa ilong. Ngunit, sa taong may allergic rhinitis kapag nasinghot o pumasok sa ilong ang mga bagay na ito, labis ang reaksiyon ng katawan upang labanan sila, naglalabas ang katawan ng kemikal na histamine.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng allergic rhinitis:
Pamamaga at pangangati ng ilong.
Labis na sipon o uhog.
Pagbabara ng ilong.
Labis na paghatsing o pagbahing.
Nangyayari ito tuwing nalalanghap ng taong may ganitong kondisyon ang mga bagay na may allergy sila.
Narito ang maaaring lunas para hindi lumala ang allergic rhinitis:
Anti-histamine — gamot na nakalulunas sa histamine upang hindi magkaroon ng sintomas ng allergic rhinitis.
Decongestant — gamot na nag-aalis ng sipon na bumabara sa ilong.
Nasal steroid — para sa mas malalang kaso, pinipigilan ang pamamaga ng ilong.
Gayunman, makabubuti pa rin na magpakonsulta agad sa doktor kung tayo ay nakararanas ng mga sintomas ng allergic rhinitis upang maeksamin nang husto at mabigyan ng wasto at sapat na lunas. Huwag basta-bastang gamutin ang sarili nang walang payo ng doktor. Maaaring makalubha ito sa ating kondisyon o mag-aksaya ng pera sa gamot na walambisa. Ang allergic rhinitis o allergy sa ilong ay kundisyon na nakasasagabal, ngunit, maaaring gamutin.





Comments