top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kahandaan sa pagdating ng kalamidad, ituro sa kabataan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 31, 2019
  • 2 min read

TAUN-TAON, ang Pilipinas ay dinadalaw ng 20 bagyo kung saan lima sa bagyong ito ay mapanganib.

Nararanasan natin ito anumang oras at panahon ngunit, mas madalas dumating tuwing buwan ng Hunyo hanggang Nobyembre na nagdudulot ng landslide, baha at flashfloods.

Walang kontrol ang tao sa pabagu-bagong kalagayan ng klima o biglaang pagdating ng lindol o sunog, kaya isa ito sa mga hindi dapat ipagsawalambahala at bigyan ng pansin ng mga Pilipino dahil hindi natin alam kung saan at kailan darating ang kalamidad mula sa kalikasan.

Kadalasan ay nabibigla tayo at nalilito kung ano ang dapat gawin sa panahon ng kalamidad, aksidente o anumang klase ng pinsala.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophy­sical and Astronomical Services Administra­tion (PAGASA), maraming pamilya ang hindi handa sa oras ng kagipitan, lalo na ang mga walang kamalay-malay na estudyante.

Sa mga ganitong sitwasyon, malaking pa­nganib ito, lalo na sa mga batang mag-aaral dahil hindi makakilos nang tama dulot ng pag­kabigla, takot at panic.

Saan sila pupunta kapag lumindol habang sila ay nasa klase? Ano ang mga dapat gawin kapag dumating ang buhawi, bagyo, sunog o tsunami?

Bago dumating ang anumang uri ng sakuna, mainam na magkaroon sila ng sariling prepa­rasyon para rito.

Upang mabigyan sila ng kahandaan, pagka­unawa at gabay sa anuman ang mangyari sa kanilang kinalalagyan at sa kapaligiran, kaila­ngan silang maturuan ng mabisa at malawak na pagsasanay para matutong tumugon sa mga unos.

Dapat paigtingin ang paggawa ng School Disaster Management Committee sa pamama­gitan ng pag-iimplementa ng regular na pagsa­sagawa ng 5 safety drills sa pre-school, ele­mentary, high school, kolehiyo at maging ang mga technical-vocational at training institu­tions: 2 fire drills, 2 earthquake drills at 1 risk-related drill.

Habang kinikilala natin ang malaking gam­panin ng mga kaakibat na ahensiya ng gob­yerno para sa pag-iwas, pagsugpo at paglutas ng mga suliraning pangkalamidad, mainam na magsanib-puwersa ang mga lokal na tanggapan ng Local Disaster Risk Reduction and Manage­ment Council sa mga paaralan para sanayin hindi lamang ang mga estudyante kundi ang mga teaching at non-teaching personnel ng eskuwelahan tuwing magsisimula ang school year.

Pagkalipas nito ay magiging regular na ang pagsasanay at pagsusuri ng resulta nito hang­gang sa makabuo ng tinatawag na “school di­saster management plan” kung saan makikita at matutukoy din ang mga high risk area, ka­hinaan o kakayahan ng mga gusali ng paaralan, evacuation route sa iba’t ibang lugar at iba pa.

Bukod pa rito, gagawa rin ng plano para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng paligid ng mga eskuwelahan laban sa krimen at karahasan na karaniwang nasasamantala ka­pag may kalamidad.

Ang ilang mga nabanggit ay kabilang sa nilalayon ng isinumiteng panukalang-batas ng inyong lingkod sa Senado na Senate Bill No. 989 o Disaster Preparedness in Schools Act na inaasahan nating maipapasa bago matapos ang ika-17 Kongreso.

Tandaan, kasama sa pagbibigay ng magan­dang kinabukasan ng mga kabataan ay ang pagtutok sa kanilang kaligtasan at seguridad.

Kaya mainam na habang bata pa sila ay mamulat na sila sa tamang aksiyon kapag dumating ang kalamidad, lalo na kung malayo sa kanilang tirahan at wala silang kasamang mga magulang o guardian.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page