Kaanak ng isa sa mga suspek sa Jolo cathedral bombing, dedo

PATAY ang isang lalaki na umano’y kaanak ng isa sa mga suspek sa kambal na pagsabog sa Marian Cathedral of Our Lady of Mount Carmel sa Jolo, Sulu, makaraang makipagbarilan sa mga awtoridad, Martes ng gabi.
Kinilala ang napaslang na si Ommal Yusof, 62-anyos.
Batay sa imbestigasyon, paparating ang raiding team ng Provincial Mobile Force Intelligence Branch at Station Drug Enforcement Unit sa bahay ni Yusof sa Sitio Kalimayan, Bgy. Latih, Patikul, Sulu nang biglang paputukan sila na naging dahilan ng engkuwentro.
Sinasabing si Yusof ay kaanak ng isa sa mga nasa likod ng pagsabog sa simbahan na si alyas Kamah.
Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ni Yusof kaugnay sa isang tip na nagtatago sa naturang bahay si alyas Kamah kung saan mabilis na tumakas habang nasa kalagitnaan ng operasyon.
Dito umano sa bahay ni Yusof pansamantalang nagtago si alyas Kamah matapos ang pambobomba sa simbahan.
Nakumpiska ng mga awtoridad sa lugar ng engkuwentro ang isang .45 caliber pistol.
Inaalam sa imbestigasyon kung si Yusof ay sangkot sa Jolo cathedral bombings na ikinasawi ng 21 indibidwal at ikinasugat pa ng 117.





Comments