Hustisya sa pagbomba sa cathedral at sa mosque


HINDI pa man nabibigyang-linaw at hustisya ang malagim na pagbomba sa cathedral sa Jolo na ikinasawi ng 21 katao, isang mosque naman ang pinasabog sa Zamboanga kung saan 2 ang nasawi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang nagpasok ng granada sa loob ng mosque pasado alas-12:00 ng hatinggabi.
Ang mga biktima na kapwa nakitulog lang umano sa lugar ay Muslim religious leaders mula sa Basilan at karatig-lalawigan.
Maituturing umanong karuwagan ang pag-atake sa lugar kung saan ginagawa ang pananalangin.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan natin sa mga awtoridad na agad kumilos at imbestigahan ang pinakabagong pag-atake. Kailangang mapanagot ang mga suspek.
Samantala, kahirapan umano ang dahilan ng serye ng mga pagpapasabog sa Mindanao.
Hindi pa rin umano ganap na nasosolusyunan ang problemang ito.
Kaya umaasa ang gobyerno na malaki ang maitutulong ng niratipikahang Bangsamoro Organic Law upang umunlad ang rehiyon at masawata na rin ang mga terorista.
Umaasa naman tayo na matitigil na ang kaguluhn sa Mindanao at sa buong bansa.
Bantayan natin ang isa’t isa at huwag nating hayaang tuluyang mabalot ng karumal-dumal na mga kaganapan ang ating bayan.





Comments