ABANGERS SA PBA D-LEAGUE: VIRTUAL REALITY COLLEGE, ENDERUN AT AMA ONLINE
- A. Servinio
- Jan 31, 2019
- 1 min read

HANDA nang sumabak ang Saint Clare Virtual Reality College sa PBA D-League kontra sa 19 iba pang koponan ngayong Pebrero 14 sa Ynares Sports Arena. Sa unang pagkakataon, dadalhin nila ang pangalan ng kanilang paaralan at nais ipatuloy ang kanilang mga tagumpay sa nakaraang taon.
Unang sumabak ang kasalukuyang kampeon ng National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) noong 2014 katuwang ang Racal Motors. Bumalik sila muli noong 2018 Aspirants Cup bilang Gamboa Coffee Mix.
Kabilang sa 15 manlalaro ay mga beteranong sina Junjie Hallare, Mohamed Pare at Irven Palencia. Malaki ang kontribusyon nina Hallare at Pare sa Gamboa habang nagpasya si Palencia na maglaro sa ibang koponan noong nakaraang Foundation Cup, ang AMA Online Education at Marinerong Pilipino.
Para may mas maraming beterano, isinama ni Coach Jinino Manansala ang bagong graduate na guwardiyang si Michael de Leon at forward Darwin Lunor na kasapi ng unang koponan ng Saint Clare na nag-kampeon sa NAASCU noong 2012 at isang PBA Rookie Free Agent. Nakalista rin ang pangalan ng balikbayan na si Christian Vonne Rivera na tubong South Cotabato pero lumaki sa Estados Unidos.
Ang pangalan ng koponan ay dahil sa pagdating sa Saint Clare ng mahigit 100 bagong kompyuter na lilikha ng virtual learning environment sa mga silid-aralan. Maliban sa Saints, sa NAASCU ay kakatawan din sa D-League ang Enderun Colleges at AMA Online Education.





Comments