top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Problemado sa madalas na pagsakit ng mga binti

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 30, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane, Nagtatrabaho ako bilang kusinera sa karinderya. Sa totoo lang, maayos naman ang trabaho ko kaso pinoproblema ko ang aking mga binti dahil bukod sa hindi maganda ang hitsura ay madalas pa ang pagsakit nito. Noong nabubuhay pa ang nanay ko ay madalas din niya itong iniinda sa amin. Nais kong malaman kung ano ang mabuting gawin para rito? — Auring

Sagot Sadyang ang problema ng ilan ang malalaking ugat sa mga paa at kamay. Bukod sa hindi ito magandang tingnan, madalas pa itong sumasakit. Mabigat at pagod ang pakiramdam ng may varicose veins at halos 20% ng pasyente na may varicose veins ay kanilang namana sa kanilang mga magulang.

Narito ang mga bagay na maaaring gawin para maibsan ito:

  • Itaas ang mga kamay at paa — ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng mga ugat. Kapag palaging nakababa ang mga paa, maiipon dito ang dugo at mamamaga ang ugat. Kaya makabubuti kung umupo at ipatong ang mga paa sa silya. Ipatong din ang mga kamay sa unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.

  • Itaas ang mga paa habang natutulog — ipatong ang mga paa sa unan kapag natutulog para mabawasan ang pag-ipon ng dugo rito.

  • Ugaliing magsuot ng support stockings o masikip na medyas — mabibili ito sa mga department store o botika. Ayon sa mga dermatologist, ang support stockings ang pinakamabisang lunas para sa varicose veins at mahalaga na palagi itong gagamitin.

  • Hanggat maaari ay iwasang tumayo nang matagal — kung ang trabaho natin ay bilang guro, security guard, pulis o saleslady, mas prone tayong magka-varicose veins. Mas mainam na galawin ang mga paa habang nakatayo para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso.

  • Huwag magsuot ng masikip na pantalon — kapag masikip ang suot nating pantalon, maaaring maipit ang ugat natin sa mga paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip nito para makadaloy nang maayos ang dugo sa mga ugat.

  • Ugaliing kumain ng mga gulay at prutas na mataas sa fiber — ang prutas tulad ng papaya at pinya na mayaman sa fiber. Sa tulong nito, magiging regular ang ating pagdumi. Kapag malambot ang dumi, makaiiwas tayo sa varicose veins at almoranas.

Gayunman, kung malaki at masakit na ang varicose veins, mainam na magpakonsulta na sa dermatologist. Sa may malalaking ugat, mayroong operasyon na ginagawa ang mga surgeon.

Huwag basta maniwala sa mga mamahaling gamot o pamahid para sa varicose veins.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page