DIAZ, GAGAMAYIN NA ANG KLIMA SA CHINA TRAINING SA PEBRERO

Photo : Twitter (@diaz_hidilyn)
NAKATAKDANG umalis si Brazil Olympics silver at Asian Games gold medalist Hidilyn Diaz sa unang linggo ng February papuntang China para mag-training ng dalawang buwan sa Hainan malapit sa Hong Kong at Guangzhou kung saan ginawa ang 2010 Asian Games at gumanap siyang flag bearer.
Ang dalawang buwang training ay bilang paghahanda sa dalawang Olympics qualifying competitions na gagawin sa Nimbo (China) sa Abril at Thailand sa Setyembre.
Sasamahan si Diaz ni Chinese coach Kai Wen Gao para masusing masubaybayan ang kanyang training at mabigyan ng magagandang tips kung saan lalahok ang 27-anyos na lifter anak ng tricycle driver na taga Zamboanga sa 53 kilograms.
“Seryoso at dibdiban ang training ko dahil gusto kong makalahok sa 2020 Tokyo Olympics,” sabi ni Diaz sa eksklusibong panayam habang naglalakad papunta sa kanyang quarters.
Si Diaz ay isa sa mga atletang nahirang bilang “PSA Athletes of the Year” kasama sina fellow Asian Games gold medallists Margilyn Didal at Filipino-Japanese Yuka Saso na gagawin sa ikatlong linggo ng Pebrero sa Manila Hotel.
Sinabi Diaz na mga lifters mula 30 mga bansa ang kalahok sa torneo na gagawin sa Nimbo at Thailand at lahat ay determinadong maging matagumpay sa 2020 Tokyo Olympics kung saan nanalo si boxer Anthony Villanueva ng pilak noong 1964. “I will accompany Hidilyn so that I can attain to her training and gives her pointers,” sabi ni Gao.
Si Gao ang coach kasama si 1988 Seoul Olympian Gregorio Colonia nang magwagi si Diaz ng ginto sa nakaraang Asian Games sa Indonesia at ginto sa Asian Indoor Games at Martial Arts na ginawa sa Turkmenistan.
Ang dalawang buwang training ay kasama sa paghahanda sa 2019 Southeast Asian Games kung saan si Diaz ang outstanding favorite dahil sa kanyang malawak na karanasan.
Sinabi ni Diaz na ang 2020 Tokyo Olympics ang huling competition na sasalihan niya bago magretiro.
“Hindi na ako bata. Panahon na para lisanin ko ang weightlifting at bigyang daan ang mga bata nang pagkakataon na lumaban sa labas,” sabi ni Diaz na magdiriwang ng kanyang ika-28 kaarawan sa Peb. 15.
“Regular ang ensayo ko morning and afternoon to keep me in top form. Sa umaga jogging at afternoon pagbuhat nang barbell. Kailangan at malaking bagay ang jogging para gumana lahat,” ani Diaz.





Comments