top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

ORCULLO AT ARANAS, LUMAPIT SA FINALS NG DERBY CITY CLASSIC

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 29, 2019
2 min read

ILANG dipa na lang ang layo ng 1-2 punch ng Philippine billiards na sina Dennis “Robocop” Orcullo at Zorren James “Dodong Diamond” Aranas sa finals matapos nilang maiposte ang kani-kanyang walong sunod na mga panalo sa 9-Ball Banks na event ng pinakamalaking professional billiards tournament na tinaguriang 2019 Derby City Classic (DCC) sa Southern Indiana.

Idinagdag ni Orcullo, no. 2 cue artist sa 2018 AZBilliards Moneyboard at overall titlist sa torneo noong 2014 at 2017 sina Justin Bergman, Josh Roberts, Shane Winters at Gus Briseno sa listahan ng mga naging biktima niya na kinabibilangan na rin nina Jason Brattin, Calvin Gulley, Casey Pierson at Marshall Beach para sa pagpapatuloy ng walang mantsang paglalakbay nito sa event.

Pinag-empake ni Aranas, naging hari ng pitong torneo noong 2018 si dating WPA no. 1 Eklent Kasi, Clay Carman, Robert Dickerson at Tony Coleman tungo sa pang-8 panalo sa kasingdami ring salang sa mesa para makasabay sa idolong bilyarista na taga-Bislig. Nauna rito, tumiklop sa Pinoy sina Clennis Nichols, Alvin Carroll, Bill Trimble at Joey Korsiak sa kompetisyong umakit ng mahigit 500 manunumbok na nag-aambisyong makuha ang champion’s purse na $10,000.

Samantala, kahit nakatikim na ng tig-isang talo ay buhay pa rin naman ang pag-asa ng dalawa pang kinatawan ng Pilipinas na sina Francisco “Django” Bustamante at Lee Van Corteza sa bakbakan. Winasak ni Bustamante ang kampanya ni Tony Chohan sa round 8 habang si Shannon Murphy ang tumiklop kay Corteza kaya tuloy pa ang pagtumbok ng dalawang Pinoy.

Kasama naman sa mga bigating cue artists bukod kay Kasi na wala na sa eksena para sa korona si WPA no. 3 Niels Feijen mula sa Netherlands, two-time overall titlist Alex “The Lion” Pagulayan, WPA no. 5 at Taiwan ace Jung Lin Chang, World 9-Ball Championship winner Joshua Filler ng Germany.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page