Mga sintomas ng PCOS
- BULGAR

- Jan 29, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane, Ako ay 32 years old at may asawa subalit, hindi pa rin kami nagkakaanak. Ang sabi ng doktor, mayroon daw akong PCOS at nang nalaman ko ito ay hindi na ulit ako bumalik para makapagpa-check-up. Gusto kong malamang kung may posibilidad pa ba akong mabuntis, may nakapagsabi kasi sa amin na hindi raw nagagamot ang PCOS? — Eva
Sagot Ang Polycystic Ovary Syndrome (PCOS) ang pinakamadalas na hormonal disorder sa mga kababaihan.
Narito ang ilan sa mga sintomas na nararanasan ng mga babaeng mayroong PCOS:
Hindi regular o paghinto ng regla.
Hindi mabuntis o magkaanak.
Pagtaba — karaniwan na lumalapad ang waistline o ang tinatawag na abdominal obesity kung saan mas maraming taba sa baywang, pero puwede ring magkaroon ng PCOS ang babaeng payat o normal ang timbang.
Taghiyawat (acne)
Sobrang buhok sa mukha o katawan — karaniwan sa mga parte na kadalasang walang buhok ang babae tulad sa ibabaw ng labi na parang bigote o sa dibdib.
Pagnipis ng buhok (tulad ng pagkalbo sa mga lalaki).
Tinawag ang kondisyong ito na polycystic dahil karaniwang may cysts ang obaryo ng mga babaeng may PCOS, gayunman, hindi kanser ang cysts na ito.
Marami sa kababaihang may PCOS ay inire-refer sa endocrinologist dahil may kaakibat itong ibang mga problemang pangkalusugan tulad ng mga sumusunod:
Insulin resistance — nahihirapang matunaw ang asukal sa dugo kapag may insulin resistance. Ito ay maaaring tumuloy sa Type 2 diabetes.
Mababang level ng HDL o good cholesterol at mataas na level ng LDL o bad cholesterol. Mataas din ang triglycerides. Dahil dito tumataas ang peligro ng mga babaeng may PCOS na magkaroon ng atake sa puso o stroke.
Obstructive sleep apnea (OSA). Ang mga babaeng may PCOS at overweight ay maaaring magkaroon ng OSA kung saan patigil-tigil ang paghinga habang natutulog. Kaya mayroong mga pagkakataon na paggising ay parang pagod na pagod pa rin dahil hindi maganda ang kalidad ng pagtulog dahil bumababa ang oxygen sa dugo habang natutulog at naiipon naman ang carbon dioxide. Karaniwan na naghihilik ang mga may OSA.
Dahil irregular ang regla, puwedeng kumapal ang lining ng matris. Huwag itong pabayaan para hindi mauwi sa endometrial cancer o kanser sa lining sa matris.
Tulad ng diabetes, wala pang gamot para gumaling o mawala ang PCOS, pero may mga gamot na maaaring ibigay ang doktor para maging maayos ang regla at mabuntis. Kailangan ng tamang pagkain at ehersisyo para pumayat at maiwasan ang diabetes at maging normal ang level ng kolesterol, gayundin, pinapayuhan na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng karagdagang payo ay maresetahan ng gamot para sa diabetes at kolesterol.




Comments