Kung kayang sagipin ang Boracay Island, kaya rin ang Manila Bay


KAUGNAY ng pagsisimula ng Manila Bay Rehabilitation Project, naglabas na ng cease and desist order ang gobyerno sa ilang establisimyento.
Kabilang umano sila sa mga lumalabag sa Clean Water Act kaya pinutol na rin ang supply ng tubig sa mga ito para matigil na ang pagtatapon ng wastewater sa Manila Bay.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), bagamat, pinapayagan nilang mag-operate ang commercial establishments, posibleng sa mga susunod na araw ay iutos nila ang tuluyang pagpapasara sa mga ito.
Pinagpapaliwanag naman ang ilang establisimyento at hinihingan ng agarang solusyon matapos bigyan ng abiso.
Matatandaang, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehabilitasyon ng Manila Bay kasabay ng pag-apruba sa P42.95 bilyong budget na gugugulin para maipatupad ang proyekto na inaasahang tatagal ng tatlong taon.
Hindi lang mga pribado kundi maging ang mga local government ay inaatasang magpatupad ng lingguhang paglilinis sa Manila Bay na nasasakupan ng kanilang lugar.
Nabatid na nasa 40,000 pamilya ang naninirahan malapit sa lawa na itinuturong pinakamalaking kontribusyon sa pagdumi ng Manila Bay.
Huwag na tayong pasaway, magpasalamat tayo at may magagandang bagay sa ating paligid.
Sa halip na babuyin, alagaan natin, lalo na at tayo rin ang higit na nakikinabang.
Kung nagawa sa Boracay Island, walang dahilan para hindi rin ito magawa sa Manila Bay.





Comments