top of page

Sanhi ng balakubak at lunas dito

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Palagi kong pinoproblema ang anit ko, lalo na kapag pinagpapawisan ako sa trabaho. Sa sobrang kati nito halos magsugat na ang aking anit sa pagkamot. Hindi ko alam kung dahil kaya ito sa balakubak? Ano ang nararapat gawin o gamitin para rito, gayundin ano ang sanhi nito? — Edwin

Sagot

Ang balakubak o dandruff ay kalagayan kung saan ang balat na nasa anit ay nagbabalat at nagtutuklap. Ang pagbabalat at panunuklap nito ay dahil sa mabilis na proseso ng pagkamatay ng balat na nagreresulta sa pagkakaroon ng mga tuklap-tuklap na kulay puti (flakes) at nalalaglag sa mga buhok. Ang balakubak ay hindi sakit na nakahahawa. Pangkaraniwan lamang ang pagkakaroon ng balakubak sa mga taong nasa kanilang kabataan, partikular na ang mga nagdadalaga at nagbibinata.

Ano ang sanhi ng pagkakaroon ng bala­kubak o dandruff?

Maraming maaaring sanhi ng pagkakaroon ng balakubak. Ang balakubak ay may kaugnayan sa kondisyon sa pagkakaroon ng seborrheic dermatitis sa pagiging malangis ng balat at pagtu­tuklap ng hindi lamang nagaganap sa anit at buhok, bagkus, nagaganap din ito sa ilong, mga kilay at iba pang mga bahagi ng katawan. Maaari ring magdulot ng balakubak ang fungus na malassezia. Maaari ring magsanhi ng balakubak ang mga produktong ginagamit para sa buhok tulad ng labis na paggamit ng hairspray, gel, mousse, shampoo at conditioner. Ang pagiging balisa o stressed ay maaari ring makapagdulot ng pagbabalakubak. Kung sa palagay natin ay ang gamit nating shampoo ang dahilan ng balakubak, subukang gumamit ng ibang brand. Gayundin, mayroong mga shampoo at conditioner na anti-dandruff na nabibili sa botika o supermarket. Makabubuti rin kung iiwasan muna ang paggamit ng mga produktong ginagamit sa buhok tulad ng mousse o hair spray.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page