Parak binentahan, tulak arestado

ISANG hinihinalang tulak ng iligal na droga na kabilang sa drug watchlist ang naaresto matapos magbenta ng shabu sa pulis sa buy-bust sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief Sr. Supt. David Nikolas Poklay ang naarestong suspek na si Ricky Pajarillo alyas Boy, 36, ng Bgy. Ugong.
Ayon kay Sr. Supt. Poklay, alas-6:30 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa koordinasyon sa PDEA ang buy-bust operation kontra sa suspek sa Sitio Kabatuhan, Bgy. Gen. T. De Leon.
Isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer ang nakabili ng isang sachet ng shabu sa suspek kapalit ng P100 marked money.
Nang sumenyas ito sa kanyang mga kasamahan na nagkaabutan na agad kumilos ang back-up na mga operatiba at sinunggaban ang suspek.
Bukod sa buy-bust money at nabiling shabu, nakumpiska pa sa suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu habang inaalam na ng pulisya kung sino ang source ni Pajarillo ng iligal na droga para maaresto.





Comments