ISA NA LANG PARA SA TOP SPOT NG NAZARETH SA UAAP FINAL 4


KINAKAILANGAN na lamang ng Nazareth School of National University ng isang panalo upang ganap na maisiguro ang top spot at target na twice-to-beat advantage sa Final Four round matapos pabagsakin ang University of the East, 77-56, kahapon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 81 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Centre.
Mula sa dikit na laban sa unang tatlong quarters, rumatsada ang last year’s runner-up Bullpups at nagsalansan ng 20-4 run sa final canto upang makopo ang panalo.
Nagtulungan ang twin towers na sina Carl Tamayo at Kevin Quiambao para pamunuan ang naturang ratsada. Tumapos si Quiambao ng 15 puntos at 6 rebounds habang nagtala si Tamayo ng 15 puntos at 13 rebounds kasunod ng topscorer na si Gerry Abadiano na may 17 puntos, 4 rebounds, 4 assists, at 2 steals.
Sanhi ng panalo, umangat ang Bullpups sa 11-1, kartada at tumatag sa kapit nila sa solong liderato.
Sa iba pang laban, tinalo ng defending champion Ateneo de Manila ang University of Sto. Tomas, 87-78 upang makasiguro ng playoff para sa isang Final 4 berth.
Nagposte si Kai Sotto ng 33 puntos, 11 rebounds, at 5 assists para mamuno sa naturang panalo. Namuno sa UST na bumaba sa markang 5-7 si Mark Nonoy na may 27 puntos, 5 steals, 3 rebounds, at 2 assists.
Nagtapos na topscorer para sa matagal nang talsik na Junior Warriors ni Shane Dichoso sa itinala nitong 24 puntos.
Nanatili namang kasalo ng Ateneo sa ikalawang puwesto ang Far Eastern University Diliman matapos iposte ang ika-9 na panalo kontra 3 talo sa pamamagitan ng paggapi sa eliminated na ring University of The Philippines Integrated School, 87-65. (VA)





Comments