2 nalibing nang buhay sa landslide

DALAWA ang nasawi habang isang batang babae ang patuloy na pinaghahanap kasunod ng mga pagbaha at pagguho sa malaking bahagi ng Katimugang Mindanao na epekto ng walang tigil na pag-ulan.
Hanggang kahapon, maraming lugar sa Mindanao ang nakararanas ng pag-ulan na dulot ng tail end of a cold front na pinalakas ng hanging Amihan.
Ayon kay Randy Loy, provincial disaster action officer ng Compostela Valley, nasawi sina Dennis Pesadilla at Rommel Gogo sa pagguho sa Compostela at Montevista.
Alas-4:00 ng hapon nang matabunan nang buhay si Pesadilla sa minahan sa Bgy. Ngan sa Compostela habang natabunan ng lupa sa pagguho sa Bgy. Tapia, Montevista si Gogo.
Hinahanap pa rin ang 12-anyos na si Krisel Hermosura nang tangayin ng rumagasang tubig mula sa Handurumog River sa Nabunturan.
Sugatan naman ang lola ng bata nang tangkain nitong iligtas ang apo.
Samantala, hindi bababa sa 900 pamilya o katumbas ng halos 2,000 indibidwal ang inilikas mula sa 11 bayan sa Compostela Velley.
Nasa 3,119 residente naman ang inilikas sa Davao del Norte dahil sa pagbaha. Dalawang tulay din sa mga barangay ng Limbaan at Mambing sa New Corella ang nasira.
Libu-libong pamilya rin ang inilikas sa Davao Oriental at Davao City.





Comments